Sa bisa ng mas pinatinding kampanya laban sa ilegal na droga, matagumpay na naisagawa ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Camarines Norte, Daet Municipal Police Station, at PDEG, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Regional Office V, ang isang buy-bust operation dakong alas-8:55 ng gabi nitong Hulyo 26, 2025 sa Purok 2, Barangay VI, Daet, Camarines Norte.
Arestado sa nasabing operasyon sina alyas “Rod,” 45 taong gulang, isang at residente ng Purok 2, Barangay IV (Mantagbac), Daet. Si alyas Rod ay isang High-Value Target (HVT) at tagapamahala ng drug den. Kasamang naaresto sina alyas “Flor,” 48 taong gulang, at alyas “Mike,” 31 taong gulang, isang carwash boy, kapwa residente rin ng nasabing barangay.
Nasamsam sa operasyon ang labintatlong (13) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets at dalawang (2) unsealed sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang labing-isang (11) gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱74,800.00 base sa Dangerous Drugs Board (DDB) value. Nakumpiska rin ang isang tunay na ₱500.00 bilang buy-bust money, tatlong piraso ng pekeng ₱500.00 boodle money, at ilang piraso ng aluminum foil strips.
Ang tatlong naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA Camarines Norte para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso. Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay hawak na rin ng imbestigador ng PDEA para sa tamang dokumentasyon at pagsusuri.
Ang matagumpay na operasyon ay patunay ng mahigpit na pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan laban sa patuloy na banta ng ilegal na droga sa lalawigan.
source: Camarines Norte Police Provincial Office – Pulis Bantayog

