Nagbabala ang Department of Education (Deped) sa mga pekeng announcement gamit ang iba’t ibang platform ng social media.
Kabilang dito ang mga pekeng announcement ukol sa cash assistance, class suspension, scholarship program at no-backpack policy.
Ang naturang babala ay bunsod na rin sa mga reklamong nakaabot sa pamunuan ng Department of Education na kung saan posibleng makaapekto sa mga mag-aaral at mga magulang na maaring mapaniwala sa mga pekeng anunsyo.
Dahil dito pinaalalahanan ng Deped ang publiko na huwag basta maniwala sa mga lumalabas na announcement sa social media.
Ayon pa dito lahat umano ng opisyal na annoucement at impormasyon kaugnay ng basic education ay ilalabas lamang ng Deped Philippines, ang opisyal na social media page ng Deped.
Maaari ring kumpirmahin sa mga guro o school management kung ang mga nababasang impormasyon sa social media ay tama.
Bago ang pasukan ngayong buwan, una nang lumabas ang isang pekeng announcement na madadagdagan na ng Grade 13 ang Senior High School. Agad naman itong pinabulaanan ng naturang kagawaran.

