Hiniling ng mga kaguruan ng Camarines Norte State College sa Sangguniang Panlalawigan na magpasa ng isang resolusyon na naglalayong magsagawa ng pagsisiyasat in aid of legislation ang mga kinuukulang sangay ng pamahalaan sa katatapos na isinagawang pagpipili ng ika-pitong presidente ng nabanggit na pampublikong kolehiyo dito sa ating probinsya.
Batay sa liham na ipinadala ni Sir Rene Abrera, Presidente ng CNSC – Federation of Faculty Associations, Inc sa tanggapan ni Acting Governor Joseph Ascutia at para sa atensyon ni Acting Vice Governor Dennis Riel, magalang na umaapela ang mga guro sa mga kagalang-galang na miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte na isaalang-alang ang pagpasa ng isang Resolusyon na humihiling ng isang inquiry o imbestigasyon, (in aid of legislation), na isasagawa ng naaangkop na kometiba ng Senado at maging ng Committee on Higher Education ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Nais ng mga kaguruan ng CNSC na malinawan kung bakit ang napili ng BOT ay ang rank 2 na si Atty. Allan Estevez (na may 73 puntos) at hindi ang rank 1 na si Dr. Rusty Abanto na, nakakuha ng 91 puntos batay sa resulta ng evaluation na isinumite ng Search Committee for the Presidency (SCP).
“Ang 18 puntos na agwat sa pagitan ng una at pangalawang ranked na kandidato ay nagdudulot ng lehitimong pag-aalala tungkol sa batayan ng desisyon ng BOT. Habang ang Lupon ay may discretionary authority (kapangyarihang magdesisyon) sa ilalim ng umiiral na mga alituntunin, ang naturang discretion ay dapat na naaayon sa mga prinsipyo ng meritocracy at procedural integrity (integridad ng pamamaraan). Nag-aalala ang sektor ng kaguruan na ang pagpili sa pangalawang ranked na kandidato, sa kabila ng malaking kalamangan sa puntos, ay maaaring magpababa sa tiwala ng publiko sa proseso ng pagpili at sa pamamahala ng institusyon.”, ayon sa nilalaman ng liham
Hinihiling din na mabigyan ng kopya ng ipapasang resolusyon ng SP si CHED Chairperson Dr. Shirley Castañeda Agrupis, lalo na patungkol sa mga inquiry sa proseso ng pagboto at mga pamamaraan ng paggawa ng desisyon na ginamit sa pulong ng Board of Trustees sa pagpili ng bagong presidente ng CNSC.
Nakapaloob sa liham ni Sir Abrera, bilang muling nahalal na Pangulo ng CNSC Federation of Faculty Associations, Inc. (CNSC-FFAI), lubos niyang inaasahan na makibahagi sa mga proseso ng Lupon, alinsunod sa mandato ng CHED Memorandum Order No. 07, s. 2022, na tumutukoy sa Kinatawan ng Guro bilang regular na miyembro ng Governing Board.
Gayunpaman, ayon sa presidente ng Faculty Association ay nakalulungkot na ang kanilang sektor ay hindi pinahintulutan ng representasyon sa kritikal na proseso ng pagpili.
Naniniwala ang sektor ng kaguruan na ang kawalan nila ng representasyon ay lumabag sa mga prinsipyo ng participatory governance (pamamahala na may partisipasyon) at nagpababa sa karapatan ng akademikong komunidad na mairepresenta sa mga pangunahing desisyon ng institusyon.
“Lubos ang paggalang namin sa Board of Trustees at inaasahan namin na ang mga desisyon ay ibabatay sa pagiging patas, merito, at accountability (pananagutan), lalo na sa pagpili ng susunod na pinuno ng tanging pampublikong institusyon para sa mas mataas na edukasyon ng probinsya.”, pahayag pa ni Sir Abrera.
Umaasa naman ang samahan ng mga guro sa CNSC na mabibigyan ng paborableng aksiyon ng SP ang kanilang kahilingan.

