Labo, Camarines Norte – Matagumpay na isinagawa ngayong araw, Huwebes, ang 3rd Quarter Simultaneous Earthquake Drill sa bayan ng Labo sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), katuwang ang mga opisyal ng Local Government Unit (LGU) Labo, mga kawani ng pamahalaan, at ang Labo Municipal Police Station (MPS).
Layunin ng nasabing earthquake drill na maihanda ang mga mamamayan at empleyado ng pamahalaan sa tamang pagtugon sakaling magkaroon ng aktuwal na lindol. Ipinakita rito ang wastong pagsunod sa mga hakbang tulad ng “duck, cover, and hold”, maayos na paglikas, at mabilis na pagtugon ng mga itinalagang emergency teams.
Ayon sa MDRRMO, ang regular na pagsasagawa ng ganitong aktibidad ay mahalaga upang mapalakas ang kamalayan at kahandaan ng bawat isa laban sa mga kalamidad. Binigyang-diin din ng mga opisyal ng LGU Labo na ang seguridad at kaligtasan ng bawat Laboeño ay pangunahing prayoridad ng lokal na pamahalaan.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Mayor Severino “Jojo” H. Francisco, Jr. ang kanyang pasasalamat sa lahat ng nakiisa. Aniya, ang ganitong mga earthquake drill ay hindi lamang pagsasanay kundi isang paalala na lagi tayong maging handa sa anumang sakuna. Dagdag pa nito, ang partisipasyon at kooperasyon ay susi upang maprotektahan hindi lamang ang ating sarili, kundi ang ating pamilya at buong komunidad.
Samantala, ang Labo MPS naman ay nagsilbing katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan at disiplina sa pagsasagawa ng drill, habang ang mga empleyado at opisyal ng LGU ay aktibong nakiisa upang maging huwaran ng kahandaan para sa buong komunidad.
source: DWLB Labo

