Camarines Norte – Naghatid ng agarang tulong ang Department of Social Welfare and Development-Bicol sa tatlong pamilyang nasunugan sa bayan ng Basud, Camarines Norte.
Ayon sa official Facebook page ng DSWD Regional Field Office 5, tatlong pamilya na binubuo ng walong indibidwal ang naapektuhan ng sunog sa Purok 1, Langa, Basud, Camarines Norte noong Hunyo 26, 2025, bandang alas-dos ng madaling araw. Dalawang bahay ang bahagyang nasira at isa ang tuluyang natupok.
Sa tulong ng mga boluntaryong residente na nagsagawa ng bucket relay, ganap na naapula ang apoy makalipas ang isang oras. Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa sanhi ng sunog.
Sa direktiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian at sa pangunguna ni Regional Director Norman S. Laurio, ngayong Hunyo 28, 2025, nagsagawa ang Department of Social Welfare and Development Field Office V – Bicol Region ng interbensyon sa pamamagitan ng pamamahagi ng Family Food Packs, Hygiene Kits, Sleeping Kits, at Family Kits na may kabuuang halaga na PHP 10,448, pati na rin ang pagbibigay ng teknikal na tulong upang makakuha ng karagdagang ayuda mula sa AICS program.
Patuloy ang DSWD Bicol sa paghatid ng agarang tulong sa mga Bicolanong naapektuhan ng anumang sakuna bilang parte ng mas pinalawak na misyon ng ahensiya.
News and photos courtesy of DSWD-BICOL

