Nanawagan si Camarines Norte Acting Governor Joseph Ascutia sa Department of Public Works and Highways (DPWH)-Quezon na agarang ayusin ang mga sira-sirang kalsada na bahagi ng Maharlika Highway sa mga bayan ng Lopez at Calauag, Quezon.
Ayon sa Facebook post ni Acting Governor Ascutia, ang hindi magandang kalagayan ng kalsada ay nagdudulot ng matinding hirap sa mga motorista, lalo na sa mga Bikolano, Bisaya, at mga taga Mindanao na dumadaan sa lugar.
“Nanawagan po ako sa DPWH Quezon, baka puede nyo po repair ang kalsada between Lopez and Calauag…sobrang pahirap sa mga Bikolano, Bisaya at mga taga Mindanao,” ani Acting Governor Ascutia.
Ang apela ng Acting Governor ay kahalintulad din sa mga hinaing ng mga biyahero at motorista na dumadaan sa nabanggit na kalsada sa lalawigan ng Quezon na matagal nang nagrereklamo at naghihintay ng solusyon sa nabanggit na problema.
Ayon sa reklamo ng mga biyahero at mga motorista ang sira-sirang kalsada ay hindi lamang nagdudulot ng matinding abala dahil sa mabigat na daloy ng trapiko kundi nagdudulot din ng panganib sa kanilang buhay at kaligtasan.
Bukod pa dito ang posibleng epekto sa negosyo at kita ng mga biyahero dahil sa bumabagal ang pagdadala sa kanilang mga binabyaheng mga produkto na resulta ng matagal na biyahe.
Matatandaang maging si reelected Governor Ricarte Dong Padilla ay nauna nang napansin ang nabanggit na problema ng sira-sirang kalsada sa Quezon na aniya ay may masamang epekto sa mga taga-Camarines Norte at maging sa iba’t-ibang industriya sa ating lalawigan partikular sa turismo at negosyo.
Inaasahang agarang namang tutugon sa apela ni Acting Governor Ascutia ang DPWH-Quezon upang maisagawa na ang mga kinakailangang hakbang upang maayos ang naturang mga sira-sirang kalsada sa nabanggit na probinsya.
Ikinatuwa naman ng mga motorista at biyahero ang apela na ito ni Acting Governor Ascutia dahil sa ito ay malaking tulong upang magsagawa ng agarang aksyon ang DPWH at maibsan na ang kanilang mga hirap at matiyak ang kanilang kaligtasan sa paglalakbay.

