Iniimbitahan ng National Aeronautics and Space Administration(NASA) ng bansang Estados Unidos ang dalawang estudyante ng Paracale National High School na nagkampeyon sa Global Robotic Championship sa Bangkok, Thailand kamakailan.
Sa pagdalo nina Rhaine Jade Bravo at Benedict Deviana, Grade 12 STEM mula sa Paracale National High School sa ika-20 sesyon ng Sangguniang Panlalawigan kanina November 18,2025 ay napag alaman na kwalipikadi ang mga ito sa mas mataas na pandaigdigang kompetisyon sa robotics sa Dubai ngayong susunod na taon, ito ay ayon sa kanilang coach na si Gng. Maricel Calmateo na kasamang humarap sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan dahil sa kanilang panalo sa Global Robotics Competition 2025 na ginanap sa Bangkok, Thailand, nitong Oktubre 30-Nobyembre 2, 2025.
Ang kanilang ipinanalo ay ang device na tinatawag na Blast Awareness And Notification Tech For Aquatic Yield (BANTAY) , isang kagamitan para matukoy ang mga gumagamit ng dinamita sa pangingisda sa karagatan.
Ayon kay Mam Calmateo, iniimbitahan ng NASA ang nabanggit na dalawang estudyante dahil sa nagkampyon ang mga ito sa Creative/Innovation Category at nakuha rin nila ang 3rd Runner-Up sa Sumobot 1000g Auto Category, subalit hindi umano makakasali doon ang dalawang bata dahil kinakailangan ang malaking halaga upang tumugon sa imbitasyon ng NASA at gastusin sa Dubai na sadyang hindi kakayanin ng paaralan.
Dahil dito ay iminungkahi ni Acting Vice Governor Dennis Riel na sinang ayunan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na magpasa sila ng resolusyon sa Senado at mababang kapulungan ng Kongreso ganon din sa negosyante at pilantropong si Ramon Ang ng San Miguel Corporation sa layuning makahingi ng tulong pinansiyal upang magamit ng dalawang bata sa kanilang paglahok sa Dubai at pagbisita sa NASA.
Ang nabanggit na resolusyon ay iniakda ni Bokal Arnulfo Balane at Bokal Mike Canlas at suportado ng lahat ng mga bokal.
Ipinahayag naman ni Bokal Jonah G. Pimentel na hindi na mahalaga kung may premyo o wala ang kompetisyon sinalihan ng dalawang bata, ang mas mahalaga umano ay ang natamong karangalan ng mga estudyante sa pandaigdigang entablado at ang pwede magandang epekto sa ating karagatan kung magiging ganap na kagamitan na ito upang masugpo ang blast fishing.
Si Bokal Winnie Balce Oco , chairman ng SP Committee on Agriculture and Fishery, ay humanga din sa nabuong sensor and receiver device at ikinatuwa nito nang malamang ang BFAR ay plano itong gamitin at pagawan ng prototype upang magagamit sa kampanya laban sa paggamit ng dinamita sa pangingisda.

