Pormal nang nanumpa si PCOL PAUL FLORENDO ABAY bilang Acting Provincial Director ng Camarines Norte Police Provincial Office sa isang seremonyang ginanap sa Camp BGen Simeon A. Ola, sa pangunguna ni PBGEN NESTOR C BABAGAY JR., Regional Director ng PRO5.
Kasabay ng Monday Flag Raising Ceremony, ginanap din ang Turnover of Leadership kung saan pinalitan ni PCOL ABAY si PCOL LITO L ANDAYA na pinasalamatan sa kanyang tapat na paglilingkod at maayos na pamumuno sa CNPPO.
Tubong Daet, Camarines Norte, si PCOL ABAY ay kinikilala bilang isang lider na may malasakit, disiplina, at matatag na paninindigan sa serbisyo publiko. Bago ang kanyang bagong tungkulin, nagsilbi siya bilang Hepe ng Daet MPS, kung saan naging isa sa pinakamahusay na unit sa ilalim ng CNPPO. Siya rin ay dating Provincial Director ng Catanduanes PPO at nakapamuno sa iba’t ibang division ng PRO5 kabilang ang Regional Operations Division (ROD), Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD) at Regional Community Affairs and Development Division (RCADD). Huli siyang nagsilbi bilang Deputy Director ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG).
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si PCOL ABAY sa pamunuan ng PNP sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya at nangakong itutuloy ang mga programa laban sa kriminalidad, iligal na droga, at iba pang banta sa katahimikan ng lalawigan.
Samantala, sa parehong okasyon, ginawaran din ng Medalya ng Kagalingan sina PMAJ ARKHEMEDES C GARCIA, Chief of Police ng Paracale MPS, at Patrolman Jeffrick A Villaflores bilang pagkilala sa kanilang katangi-tanging dedikasyon at mahusay na pagganap sa tungkulin.

