LABO, Camarines Norte –Naaresto ang isang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang drug buy-bust operation bandang 11:43 ng gabi nitong Hunyo 24, 2026 sa Brgy. Bautista, Labo, Camarines Norte.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Enteng,” residente ng nasabing barangay.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng Labo Municipal Police Station bilang lead unit, katuwang ang Provincial Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit, 2nd Provincial Mobile Force Company ng Camarines Norte Police Provincial Office, at 503rd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion, sa ilalim ng pangkalahatang superbisyon ni PLTCOL ANDY O ROSERO, Chief of Police ng Labo MPS, at may kaukulang koordinasyon sa PDEA ROV.
Sa isinagawang operasyon, matagumpay na nakabili ang isang pulis na nagpanggap bilang poseur-buyer ng isang (1) maliit na selyadong plastik na naglalaman ng hinihinalang shabu, na nagsilbing buy-bust item. Matapos ang transaksyon ay agad na inaresto ang suspek.
Sa isinagawang body search sa presensya ng mga kinakailangang saksi, narekober mula sa suspek ang karagdagang apat (4) na maliit na selyadong plastik na naglalaman din ng hinihinalang shabu, isang (1) ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust money, at isang (1) pirasong tissue paper.
Ang kabuuang timbang ng mga nakumpiskang hinihinalang shabu ay humigit-kumulang 1.5 gramo na may tinatayang Standard Drug Price na nagkakahalaga ng ₱10,200.00.
Isinagawa rin ang pagmamarka, imbentaryo, at pagkuha ng larawan ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng suspek at ng mga mandatoryong saksi mula sa media at kinatawan ng Barangay Bautista, alinsunod sa itinakdang proseso ng batas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Labo MPS ang naarestong suspek habang inihahanda ang kaukulang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

