Ang layunin na maresolba ang problema sa basura ng Daet ay isang kolektibong responsibilidad na nakasalalay sa pagtutulungan ng bawat mamamayan at ng pamahalaan.
Ang isyu ng basura ay isang pinagsamang pananagutan o shared responsibility; hindi ito kayang lutasin ng gobyerno lamang, at hindi rin ito magtatagumpay kung walang malinaw na direksyon mula sa mga nanunungkulan.
Ito ay isang hamon na nangangailangan ng malasakit at disiplina mula sa bawat Daeteño upang matiyak na ang ating bayan ay mananatiling malinis at progresibo para sa mga susunod na henerasyon.
Sa aspeto ng pamumuno, ang pagkakaisa ng mga halal na opisyal ang pundasyon ng solusyon. Napakahalaga na ang lahat ng mga lider—mula sa sa sangay ehekutibo, Sangguniang Bayan hanggang sa mga barangay—ay magbuklod at huwag gamitin sa pamumulitika ang usapin ng basura.
Dapat tandaan ng mga halal na opisyal na ang kalinisan ng bayan ay hindi dapat maging sandata sa hidwaan ng mga partido; sa halip, dapat itong maging plataporma ng pagkakaisa.
Ang mga lider ay dapat magsilbing ehemplo sa pagpasa ng mga epektibong ordinansa at sa pagsisiguro na ang mga pasilidad tulad ng sanitary landfill at iba pang mga programa sa basura ay naipatutupad nang maayos sa lalong madaling panahon.
Bilang bahagi ng solusyon, ang bawat mamamayan ay dapat tumugon sa kanilang bahagi ng responsibilidad sa pamamagitan ng Segregasyon sa Basura. Alinsunod sa RA 9003, ang disiplina sa paghihiwalay ng basura ay malaking tulong upang maibsan ang problema sa mga dumpsite.
Sa halip na maghintay lamang sa mga trak ng munisipyo o sisihin ang kakulangan ng permanenteng sanitary landfill sa Camarines Norte, ang bawat Daeteño ay may kapangyarihang magsimula sa sariling tahanan upang bahagi ng solusyon
Ang pagdadala ng sariling reusable bag kapag namamalengke sa Daet Public Market ay isang maliit na sakripisyo na may malaking epekto sa pagbawas ng plastic waste.
Ang mga plastik ay maaaring ibigay sa mga proyektong tulad ng “Bote Mo, Print Ko” o “Basura Noon, Silid Ngayon” sa halip na itapon sa Mabulao Creek at sa mga irrigation canal.
Sa huli, ang tunay na lakas ng Daet ay nasa pagkakaisa: kapag ang mga lider ay tapat na naglilingkod at ang mga mamamayan ay aktibong nakikilahok, ang “shared responsibility” na ito ang magdadala sa atin sa isang mas malinis at mas masayang komunidad.
SA PROBLEMA NG BASURA, DAPAT WALANG PULITIKA
Photos courtesy of Ron Ledesma


kahit saang lugar yan ang problema basura kaya wag na nating isisi sa iba. kailangang magtulungan ang bawat isa kung paano ito mareresolba.