State of Calamity, Idineklara sa Camarines Norte dahil sa Water Crisis, Dengue Cases at Epekto ng El Nino Partikular sa Sektos ng Agrikultura

DAET, CAMARINES NORTE – Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte ang rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na ideklarang nasa ilalim ng State of Calamity ang buong lalawigan dahil sa nararanasang water crisis at mga masamang epekto ng El Niño phenomenon.

Sa mosyon ni Bokal John Carlo Lukad De Lima, nagkaisa ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa pag-apruba sa PDRRMC Resolution No. 9, Series of 2026, na naglalaman ng mga batayan sa deklarasyon.

Batay sa resolusyon na inaprubahan sa Full Council Meeting ng PDRRMC sa pangunguna ni Governor Ricarte Padilla, kabilang sa mga lugar na matinding nakararanas ng kakulangan sa tubig ang San Vicente, San Lorenzo Ruiz, Daet at Mercedes habang naiulat na nararanasan na rin ang water crisis sa iba pang mga bayan ng lalawigan.

Sa San Vicente, nauna nang idineklara ang State of Calamity matapos matukoy na ang kakulangan ng tubig sa ilang barangay ay nakaapekto sa 1,312 pamilya o 5,904 katao, partikular sa kalusugan, sanitasyon at kabuhayan.

Sa San Lorenzo Ruiz naman, iniulat ang malawakang kakulangan sa maiinom na tubig na nakaapekto sa karamihan ng mga barangay. Dahil dito, naapektuhan ang pang-araw-araw na gawain at pangunahing sanitation practices at tumaas ang health risks, lalo na para sa mga bata, senior citizens at persons with disabilities.

Bukod sa water shortage, isinama rin sa mga batayan ng PDRRMC ang epekto ng El Niño sa produksyon ng pagkain at kabuhayan ng mga magsasaka.

Batay sa ulat ng Provincial Agriculturist Office, nasa 29 porsiyento lamang ng rice production areas sa Camarines Norte ang nakapagtanim ngayong season, na inaasahang magkakaroon ng epekto sa produksyon ng pagkain at kita ng mga magsasaka sa mga susunod na buwan.

Kinumpirma rin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at National Irrigation Administration (NIA) ang mababang water level sa kanilang mga ulat.

Isa rin sa mga naging konsiderasyon sa deklarasyon ang sitwasyon sa kalusugan kung saan ayon sa Provincial Health Office, umabot na sa 431 kaso ng dengue mula Enero hanggang Setyembre 14, 2026.

Bagama’t itinuturing pang manageable sa kasalukuyan ang bilang, nagbabala ang health authorities na maaari pa itong tumaas dahil sa kasalukuyang sitwasyon, kabilang ang mga water-storage practices sa mga komunidad na maaaring maging breeding grounds ng lamok.

Dahil dito, nagkakaisang inirekomenda ng PDRRMC sa Sangguniang Panlalawigan ang pagdedeklara sa buong Camarines Norte bilang nasa State of Calamity dahil sa pinagsamang epekto ng water crisis at El Niño phenomenon.

Sa pag-apruba ng deklarasyon, nagkakaroon ang pamahalaang panlalawigan ng mas malinaw na batayan upang mabilis na makapagmobilisa ng mga kinakailangang resources at pondong nakalaan para sa disaster response, alinsunod sa umiiral na mga batas at government accounting at auditing rules.

Maaaring gamitin ang mga pondong available para sa disaster response sa mga agarang pangangailangan tulad ng pagkuha at pamamahagi ng malinis na tubig, water delivery operations, paggamit ng water tankers, pagbili ng water containers, emergency repair ng water facilities, health and sanitation measures, relief operations at iba pang kinakailangang intervention sa mga lugar na higit na naapektuhan.

Maaari ring magpatupad ng mga intervention para sa sektor ng agrikultura upang makatulong sa mga magsasakang naapektuhan ng kakulangan ng tubig at mababang produksyon.

Gayunman, hindi nangangahulugan ang deklarasyon ng State of Calamity na awtomatikong maaaring gastusin ang lahat ng pondo ng pamahalaan. Kailangang ang bawat paggamit ng pondo ay dumaan sa kinakailangang appropriation, dokumentasyon, procurement requirements at iba pang patakaran ng pamahalaan at Commission on Audit.

Kabilang sa maaaring gamitin sa pagtugon sa krisis ang Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) at ang mga pondong maaaring gamitin para sa mabilisang disaster response, depende sa available appropriation at aktuwal na pangangailangan.

Binigyang-diin din na hindi lamang agarang relief ang dapat pagtuunan ng pansin kundi ang pangmatagalang solusyon sa water security ng lalawigan, kabilang ang pag-develop at rehabilitation ng water sources at systems, pagpapalakas ng water storage capacity, conservation measures at climate-resilient agricultural programs.

Sa pamamagitan ng deklarasyon, inaasahang mapapabilis ang koordinasyon ng provincial government, municipal governments at mga concerned national government agencies upang matugunan ang kakulangan sa tubig, epekto ng El Niño, panganib sa kalusugan at epekto sa agrikultura.

Sa gitna ng lumalalang water crisis, hamon ngayon sa pamahalaan ang mabilis, maayos at transparent na paggamit ng pondo upang matiyak na ang bawat intervention ay tunay na makararating sa mga komunidad at pamilyang higit na nangangailangan

Loading spinner
Avatar photo
Radyo Pilipinas | Anchor and Commentator

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Back To Top