𝐓𝐚𝐲𝐭𝐚𝐲, 𝐑𝐢𝐳𝐚𝐥 — Naglabas ng Show Cause Order ang Land Transportation Office Calabarzon laban sa isang LTO enforcer na naging viral matapos makuhanan ng larawan habang nakapuwesto sa tabi ng isang poste sa Taytay, Rizal.
Agad na ipinag-utos ni Regional Director Elmer J. Decena ang pagsasagawa ng imbestigasyon matapos kumalat sa social media ang nasabing larawan. Agad ding nakumpirma ng paunang beripikasyon na ang nasabing enforcer ay empleyado ng LTO.
Ang mabilis na aksyon ng ahensiya ay bilang tugon sa mahigpit na utos ni LTO Chief Markus V. Lacanilao, na maging halimbawa ang lahat ng empleyado ng LTO sa tunay na serbisyo sa publiko.
Dahil dito, agad na isyuhan ng Show Cause Order ang nag viral na empleyado.
“Hindi natin kinukunsinti ang anumang kilos na maaaring magbigay ng maling impresyon sa publiko. Ang mga kawani ng LTO ay inaasahang kumilos nang may propesyonalismo, integridad, at malinaw na pagsunod sa itinakdang alituntunin sa pagpapatupad ng batas-trapiko,” pahayag ni RD Decena.
Sa inilabas na Show Cause Order, binibigyan ang nasabing empleyado ng pagkakataong magsumite ng nakasulat na paliwanag at ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa posibleng kasong administratibo kaugnay ng insidente.
Iginiit ng LTO Calabarzon na ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng ahensya na panatilihin ang tiwala ng publiko at matiyak na ang pagpapatupad ng batas sa kalsada ay nananatiling patas, malinaw, at naaayon sa pamantayan ng serbisyo publiko.
“Patuloy naming paiigtingin ang disiplina at pananagutan sa hanay ng aming mga kawani. Ang anumang paglabag, lalo na yaong may epekto sa tiwala ng mamamayan, ay agad naming tinutugunan,” dagdag pa ni RD Decena.
Muling iginiit ng ahensya na ang layunin ng aksyon ay hindi lamang ang pagpapanagot, kundi ang pagpapatibay ng propesyonalismo at pananagutan sa hanay ng mga tagapagpatupad ng batas-trapiko, upang mapanatili ang tiwala at respeto ng publiko sa LTO.
SOURCE; LTO Calabarzon FB Page

