Paracale, Camarines Norte – Bilang patunay ng epektibong pakikipag-ugnayan ng PNP sa komunidad at iba’t ibang sektor ng lipunan, isinagawa ngayong araw, Hunyo 2, 2026, ang Inauguration, Turn-Over at House Blessing ng Project G.O.L.D.S. (God-Fearing, Oriented, Law Enforcer, Serving the Community) sa Barangay Bagumbayan, Paracale, Camarines Norte.
Ang nasabing proyekto ay isa sa mga pinakamahusay na halimbawa ng community-based policing at stakeholder collaboration, na siyang pangunahing adhikain ng Camarines Norte Police Provincial Office sa ilalim ng pamumuno ni PCOL PAUL F ABAY, Provincial Director.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Paracale Municipal Police Station, Green Gold Eagles Club, lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders, nabigyan ng ligtas at disenteng tahanan ang isang karapat-dapat na benepisyaryo.
Pinangunahan ni PMAJ JAYSON B ANDRES, Chief of Police ng Paracale MPS, ang programa kung saan kanyang binigyang-pugay ang mga katuwang na organisasyon at indibidwal na nagbigay ng kanilang suporta upang maisakatuparan ang proyekto. Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat ang benepisyaryo na si Mr. Smith Avellana para sa natanggap na biyaya mula sa mga nagkaisa para sa kanyang kapakanan.
Nagbigay rin ng mensahe sina Mr. Aries Alexopolous, President, Green Gold Eagles Club; Mr. Jose R. Basilla III, kinatawan ng PDEA Camarines Norte; Hon. Zaldy Moya, at Hon. Bernadette Asutilla, Municipal Councilor ng Paracale, na kapwa nagpahayag ng suporta sa mga programang naglalayong mapaunlad ang buhay ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagkakaisa at malasakit.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PCOL PAUL F ABAY na ang Project G.O.L.D.S. ay sumasalamin sa isa sa mga pangunahing best practices ng CNPP0, ng pagpapalakas ng ugnayan sa komunidad sa pamamagitan ng aktibong pakikipagtulungan sa mga stakeholder at partner organizations. Aniya, ang ganitong mga inisyatibo ay hindi lamang nagbibigay ng agarang tulong sa mga nangangailangan kundi nagpapatibay rin ng tiwala at suporta ng publiko sa kapulisan.
Kasunod ng programa ay isinagawa ang Ribbon Cutting Ceremony, Turn-Over of Housing Unit, at House Blessing, bilang opisyal na pagkakaloob ng bagong tahanan sa benepisyaryo.
Ang matagumpay na implementasyon ng Project G.O.L.D.S. ay patunay na sa pamamagitan ng bayanihan, malasakit, at matatag na partnership sa komunidad, nagiging mas makabuluhan at epektibo ang serbisyo ng kapulisan sa pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran sa lalawigan ng Camarines Norte.
source: CNPPO

