Pinuri ng Department Of Tourism Bicol Regional Office ang matagumpay na Ika-5 BANTAYOG TRIATHLON na ginanap sa San Jose Talisay nitong nakalipas na linggo Abril 12,2026.
Kinilala din ng naturang tanggapan ang tibay at tatag ng mga atletang lumahok 1.5 kilometrong pinaka mapanghamong languyan sa Bicolandia dahil sa malalakas na alon ng dagat Pasipiko sa dalampasigan ng San Jose, Talisay, at naipamalas din ng kaganapang ito ang katatagan ng mga kalahok sa 50kilometrong pagbisekleta na bumagtas sa apat na bayan tulad ng Talisay, Daet, Basud at Mercedes at sampung kilometrong takbo sa kahabaan ng cory Aquino Blvd
Ayon kay Regional Director Herbie Aguas, isa umanong inspirasyon ang Bantayog Triathlon sapagkat ito ay isa lamang simpleng programa para sa mental health pagkatapos ng pandemic limang taon na ang kakakaraan subalit mabilis na lumago at naging malaking tulong na rin sa turismo ng Camarines Norte.
Sa post ng Department of Tourism Region V, binati at pinahalagahan nito ang Munisipyo ng Talisay at ang buong organizing committee sa matagumpay na pagsasagawa ng event na ito. Isa na umano itong maituturing at mananatiling buhay na tradisyon sa lalawigang ito dahil kahit na kinansela ang iba pang aktibidad ng Bantayog Festival ay nagkaisa ang komunidad sa tulong ng mga sponsors na ituloy ito na lalong nagpalitaw sa tunay na tibay at tatag ng Camnorteño.
Para sa marami pang taon ng pagharap sa hamon at pagsusulong ng sports tourism sa Bicolandia ay lagi umanong nakasuporta ang DOT Region V.

