Mahihirap na pamilya, makikinabang sa libreng serbisyong palibing ng Pamahalaan

Kahit hindi nilagdaan ni Pangulong Bong Bong Marcos ay naging awtomatikong batas na nitong September 8, 2025 ang Republic Act No. 12309 o “Free Funeral Services Act,” na nagbibigay ng libreng serbisyong libing para sa mga mahihirap na Pilipino na walang kakayahang magpalibing nang kanilang mahal sa buhay.

Kasama sa libreng serbisyong ito ang pag-embalsamo, cremation o libing, kabaong o urn (lalagyan ng abo), transportasyon ng labi at burol nang hanggang tatlong araw.

Inaatasan ng batas ang DSWD na sa loob ng anim na buwan, ay kailangang mabalangkas na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Mortuary Association, at mga LGU upang matiyak ang maayos na implementasyon nito

Kailangan umanong matiyak na mga pamilyang mahihirap ang maaaring makinabang sa programa, batay sa assessment ng DSWD at mga social worker. Kailangang magsumite ng death certificate, valid ID, funeral contract, at case study upang mapatunayang kwalipikado.

Inaasahan ding maging ang mga local government unit (LGU) ay tutulong sa pagpapatupad ng batas at i-waive ang mga bayarin gaya ng burial permit, cremation permit, at death certificate fees upang hindi na madagdagan ang pasanin ng pamilya.

Manggagaling sa Aid to Individuals in Crisis Situations (AICS) fund ng DSWD ang pundo na ilalaan dito at sa mga susunod na taon, ito ay paglalaanan na at magiging bahagi ng taunang General Appropriations Act.

Sa batas ay maaaring mapatawan ng multang hanggang ₱400,000 at pwedeng bawiin ang lisensya ng mga funerarya na tatangging magbigay ng libreng serbisyo sa mga kwalipikadong pamilya. Samantala, ang sinumang magsumite ng pekeng dokumento o magtatangkang abusuhin ang benepisyo ay maaaring pagmultahin ng ₱500,000 at makulong ng hanggang anim na buwan.

Loading spinner
Avatar photo
Fiber Glass Fabricator DWSR 94.1 Power Radio (Anchor / Broadcaster)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Back To Top