Pormal ng nanumpa sa kanyang panunungkulan bilang acting Governor si Senior Board Member Dennis Riel sa harapan ni Judge Evan Dizon ng Regional Trial Court Branch 40 nitong nakalipas na Hunyo a-30.
Ang panunumpa sa panunungkulan ni Riel bilang acting Governor na sinaksihan ni Atty. Archim Yanto ay bilang pagtalima sa rule of succession kaugnay ng mga hindi inaasahang pangyayari sa status mga nanalong halal na opisyal ng probinsya nitong nakalipas na halalan.
Gayunman, tiniyak nito na ipagpapatuloy niya ang lahat ng mga programa na isinusulong ng kasalukuyang administrasyon at sa katunayan ay nag-usap na sila ni Governor Ricarte Dong Padilla .
Partikular na napag-usapan nila ni reelected Governor Padilla ay ang kalagayan ng mga empleyado partikular ng mga job order, casual at mga contract of service employees ng pamahalaang panlalawigan.
Ito ayon kay acting Governor Riel ay upang hindi maapektuhan o maantala ang mga panglipunan serbisyo ng provincial government sa mga mamamayan partikular ang serbisyong pangkalusugan sa mga hospital.
“Sa ngayon ay makikipagpulong ako sa mga head offices upang mareview ang mga dokumento ng mga empleyado bago ko ito pirmahan at ang prayoridad ay mga doktor at nars sa CNPH.”, pahayag pa ng Acting Governor.
Nilinaw din ni Riel na tatlong linggo lang naman siyang magiging pansamantalang punong lalawigan sapagkat uupo si Vice Governor Joseph Ascutia bilang acting Governor habang siya naman ay gaganap sa tungkulin bilang acting Vice Governor sa mga susunod na araw
Sa kasalukuyang set-up si Bokal John Carlo Lukad Villafuerte De Lima ang aakto bilang vice governor at presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan sa susunod na tatlong linggo.
Kasabay ng kanyang panunumpa ay nagpasalamat din si acting Governor Riel sa mga bomoto sa kanya nitong nakalipas kung saan nakakuha siya ng pinakamataas na boto sa ikalawang distrito.

