Camarines Norte, naging host sa Regional Brigada Eskwela Kick-Off Aktibong gabay sa kabataan panawagan ng gobernador

LABO, CAMARINES NORTE — Matagumpay na idinaos ang Regional Brigada Eskwela Kick-off Program sa Labo Elementary School na dinaluhan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga guro, magulang, at mga boluntaryo upang ihanda ang mga paaralan sa pagbubukas ng klase.

Sa kanyang pahayag, taos-pusong nagpasalamat si Camarines Norte Governor Ricarte “Dong” Padilla, kasama si Vice Governor Engr. Joseph Villaverde Ascutia, sa Department of Education (DepEd) sa pamumuno nina Secretary Juan Edgardo “Sonny” M. Angara at Regional Director Gilbert T. Sadsad sa pagpili sa kanilang lalawigan bilang host ng prestihiyosong aktibidad.

Nagpaabot din ng pagkilala ang gobernador kina Mayor Jojo Francisco, mga kawani ng DPWH, PNP, DOLE, at sa lahat ng nakiisa sa programa.

Binigyang-diin ni Gov. Padilla na ang Brigada Eskwela ay hindi lamang basta paglilinis at pagkukumpuni ng mga silid-aralan.

Ayon sa kanya, ito ay isang paalala ng buhay na diwa ng bayanihan at ng matatag na ugnayan sa pagitan ng mga paaralan at ng komunidad.

Kasabay nito, nag-iwan ng mahalagang hamon ang gobernador sa mga magulang na maging mas aktibong katuwang ng mga guro sa edukasyon.

Espesyal na binanggit ng gobernador ang pangangailangan sa mas masusing paggabay sa mga anak ngayon na malaki ang impluwensiya ng social media at makabagong teknolohiya sa kanilang paglaki.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, naniniwala si Gov. Padilla na sa pamamagitan ng kolektibong pagtutulungan ng bawat sektor, makalilikha ang lalawigan ng mas maayos at angkop na kapaligiran para sa pagkatuto, na maghahatid ng mas maliwanag na kinabukasan para sa bawat kabataang CamNorteño.

Photos courtesy of Gov Dong Padilla FB Page

Loading spinner
Avatar photo
Radyo Pilipinas | Anchor and Commentator

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Back To Top