Libreng Sine para sa mga Senior Citizen ilulunsad na

DAET, CAMARINES NORTE — Mas lalong sasaya ang mga lolo at lola sa bayan ng Daet dahil sa nalalapit na paglulunsad ng “Libreng Sine Program” para sa mga Senior Citizens na inisyatiba ng lokal na pamahalaan ng Daet.

Ayon sa ulat, opisyal na lalagdaan ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan ng Daet (LGU-Daet) at ng SM City Daet sa darating na Marso 16, 2026.

Layunin ng programang ito na bigyan ng pagkakataon ang mga nakatatanda na makapaglibang at masiyahan sa panonood ng pelikula nang walang bayad sa mga komportableng sinehan sa nabanggit na mall.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Mayor Rossano “Ronie” Valencia na ang inisyatibong ito ay isang paraan ng pasasalamat sa mahalagang kontribusyon ng mga senior citizens sa bayan.

“Para sa ating mga Senior Citizens, maogmang balita po ito, isang maliit na paraan upang maipadama ang ating pasasalamat sa inyong kontribusyon sa ating bayan,” ani Mayor Valencia.

Pinasalamatan din ng alkalde ang pamunuan ng SM City Daet, partikular sina Ma’am Tellah Macaro at Ma’am Joye Peñones, para sa kanilang pagsisikap at dedikasyon na maisakatuparan ang proyektong ito para sa komunidad.

Ang programang ito ay bahagi ng adbokasiya ng kasalukuyang administrasyon ng LGU-Daet na isulong ang kapakanan at kaligayahan ng bawat mamamayan, lalo na ang mga nakatatanda.

Loading spinner
Avatar photo
Radyo Pilipinas | Anchor and Commentator

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Back To Top