Daet, Camarines Norte – Naipamahagi na rin kahapon, Enero 21,2026 ang tigtatatlong libong fuel subsidy sa nasa 64 mangingisda mula sa Barangay Bagasbas at Awitan sa bayan ng Daet, Isang programa ito ng National Government sa pamamagitan ng Department of Agriculture -Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lokal ng Daet sa pamumuno ni Mayor Rosano ‘Ronie’ Valencia katuwang si Konsihal Luhay Urbano, SB Committee on Agriculture Chairman, ito ay ginanap sa Bulwagang Eming Panotes sa Municipal Compound.
Ang kabuuang 64 na benepisyaryo ang tumanggap ng tig-₱3,000 halaga ng fuel subsidy ay napili base sa validation at assessment sa mga registered fishing boat operators sa bayan ng daet at lubos na apektado ng mahigit dalawang buwan nang masungit na panahon o amihan.
Ayon sa Tanggapan ng Alkalde, ang pondong ito ay nakalaan upang maibsan ang mabigat na pasanin sa operasyon ng pagpalaot. Sa pamamagitan ng subsidiya, inaasahang mas magiging produktibo ang mga mangingisda dahil mababawasan ang kanilang gastusin sa gasolina, na magreresulta naman sa mas mataas na kita para sa kanilang mga pamilya.
Binigyang-diin ni Mayor Ronie Valencia sa kanyang maikling mensahe na ang suporta at pagpapalakas sa mga mangingisda ay katumbas din ng pagpapatatag sa seguridad sa pagkain ng Daet. Ayon pa sa alkalde, ang sektor ng pangisdaan ay isa sa mga pangunahing haligi ng lokal na ekonomiya, kaya naman nararapat lamang na makatanggap sila ng sapat na atensyon at suporta mula sa gobyerno.
Marami pa umanong programa ang pamahalaang lokal maliban sa subsidiyang ito at patuloy umano ang LGU sa paglulunsad ng mga programang pangkabuhayan at teknikal na pagsasanay upang masiguro ang pag unlad ng sektor ng mga mangingisda.
*Detalye at larawan mula sa Municipal Information Office

