Jose Panganiban, Camarines Norte – Tuluyan nang umalis ang isang dayuhang barko mula sa karagatan ng Jose Panganiban nitong ika-19 ng Enero 2026, matapos itong mabigong makapaghakot ng kargamento dahil sa ipinataw na pagpapatigil sa operasyon ng isang minahan sa lalawigan.
Sa panayam kay Sir Eric De Castro ng Camarines Norte Environmental Response Unit, sinabi nito na batay sa ulat mula sa Philippine Coast Guard (PCG), ang MV BBG KINDNESS, isang barkong may bandila ng Liberia at pagmamay-ari ng Full Glory Shipping Limited, ay umalis sa karagdagang sakop ng Jose Panganiban bandang alas-9:00 ng umaga.
Ayon sa radio message ng PCG, ang nasabing barko ay patungong Zhoushan, China na walang dalang anumang kargamento o empty cargo status. Ito ay dahil sa maging ang mga iron ore na nauna ng naikarga sa nabanggit na barko ay ipinadiskarga at ibinalik sa compound ng nabanggit na kompanya gamit ang mga barges.
Nabatid na ang MV BBG KINDNESS ay dumating sa lalawigan upang magkarga sana ng iron ore mula sa Yinlu Bicol Mining Corporation sa Jose Panganiban.
Gayunpaman, hindi pinahintulutan ang pagkarga ng mga mineral matapos maglabas ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) Bicol ng isang Cease and Desist Order (CDO) laban sa nasabing kumpanya ng minahan.
Ayon sa MGB Bicol, ang pagpapatigil sa operasyon ay bunsod ng mga natuklasang paglabag ng kumpanya sa mga umiiral na batas sa pagmimina at pangangalaga sa kalikasan.
Dahil sa kautusang ito, hindi pinayagang mailabas ang mga iron ore na nakatakda sanang itransport patungong China.
Samantala, mahigpit naman ang kautusan ni Acting Governor Joseph Ascutia sa CNERU at iba pang ahensiya ng pamahalaan na patuloy na bantayan ang nasabing minahan upang matiyak na susunod ito sa ipinataw na kautusan at matiyak na walang maipupuslit na mineral patungo ng ibang bansa.

