Francisco Motor Ipinatigil Muna ang 52.11B SEZ Project para sa Jose Panganiban; Sen Robin Padilla Nalungkot

Ipinagpaliban ng Francisco Motors LLC ang P52.11-bilyong special economic zone (SEZ) project nito sa Bicol—ang pinakamalaking pamumuhunang inaprubahan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) noong 2024—at pansamantalang ililipat muna ang pokus ng kumpanya sa operasyon nito sa China.

Ayon kay Francisco Motors chairman Elmer Francisco, plano sana ng kumpanya na magtayo ng isang integrated manufacturing facility para sa electric at hydrogen-powered vehicles sa loob ng 30-ektaryang SEZ sa Jose Panganiban, Camarines Norte. Layunin ng proyekto na muling buhayin ang makasaysayang lokal na automaker at lumikha ng libo-libong trabaho sa rehiyon ng Bicol.

Gayunman, hindi naituloy ang proyekto dahil sa mga hadlang na umano’y inilatag ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB), sa kabila ng naunang pag-apruba ng PEZA. Ayon kay Francisco, naging mahirap ang proseso ng pagkuha ng kinakailangang suporta at insentibo mula sa pamahalaan.

“Sa kabila ng paulit-ulit naming hiling na makausap ang Pangulo, tila hindi kami pinapansin. Bukod sa mga roadblock na inilagay ng FIRB matapos ang pag-apruba ng PEZA board, ito ang nagtulak sa amin na ihinto muna ang proyekto sa Camarines Norte at ipagpatuloy na lamang ang pagtatayo ng pabrika sa China,” ani Francisco.

Bukod sa China, inihayag din ng kumpanya na magtatayo ito ng research and development hub at manufacturing facility sa California, Estados Unidos, kung saan inalok umano sila ng mas mataas at mas malinaw na mga insentibo. Ang planta sa China ay magsusuplay ng mga sasakyan para sa merkado sa Africa, habang ang produksyon sa California ay nakalaan para sa Latin America.

Noong una, tinatayang $1 bilyon ang puhunan ng kumpanya para sa proyekto sa Pilipinas, ngunit kalaunan ay pinalaki ito sa $5 bilyon upang matugunan ang mas malawak na pandaigdigang merkado. Sa kasalukuyan, may operasyon na ang Francisco Motors sa 25 bansa sa Africa at target nitong makapag-deploy ng humigit-kumulang 100,000 electric jeepney bawat taon sa loob ng susunod na 15 taon.

Samantala, nagpahayag ng matinding panghihinayang si Senador Robin Padilla sa pagkaantala ng proyekto, lalo na sa epekto nito sa Camarines Norte at sa buong rehiyon ng Bicol.

“Nakalulungkot ang pangyayaring ito para sa aming probinsya at sa bayan ng Jose Panganiban. Malinaw na ang proyektong ito ay magdadala sana ng trabaho at pag-unlad ng ekonomiya hindi lamang sa Bicol kundi sa buong Pilipinas,” ayon kay Padilla.

Dagdag pa niya, hindi malinaw sa kanya kung saan nagkaproblema ang proseso, lalo’t noong bago pa lamang siya sa Senado ay agad na niyang inendorso ang proyekto sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mabigyan ito ng tulong at suporta.

“Bilang bagong halal na senador noon, personal kong itinulak ang proyektong ito upang ito ay maisakatuparan at maramdaman ng taumbayan ang bunga ng kaunlaran. Sa kasamaang-palad, hindi ito nagkatuluyan,” ani Padilla.

Ayon pa sa senador, ang desisyong ipagpaliban ang pamumuhunan ay isang malalim na kabiguang emosyonal para sa maraming Pilipino.

“Isang kalungkutan ito na babaon sa puso ng sambayanang Pilipino sapagkat atin ang proyektong ito. Sa mahabang panahon, ang Francisco Motors ay naging bahagi na ng ating kasaysayan,”

(Source/ Via : BNC/ 📸Robin Padilla (Facebook Account)

Loading spinner
Avatar photo
Maghahatid ng tamang impormasyon at serbisyo publiko

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Back To Top