Nagsasagawa ngayon ng hot pursuit operation ang pulisya para mahuli ang suspek sa pamamaril kay Noel Bellen Samar, 54 anyos at isang mamamahayag na konektado sa Kadunong ITV at DWIZ.
Si Samar ay binaril sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Morera, pasado alas-9 ng umaga nitong Lunes, Oktubre 20.
Agad dinala si Samar sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Legazpi City matapos magtamo ng tama ng bala sa iba ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa Police Regional Office 5, binuo ang Special Investigation Task Group (SITG) “Samar” upang pangunahan ang imbestigasyon, mangalap ng CCTV footage, at tukuyin ang salarin. Naglagay rin ng mga checkpoint sa mga karatig-bayan upang mahadlangan ang pagtakas ng suspek.
Mariing kinondena ni PBGEN Nestor C. Babagay Jr., Regional Director ng PRO5, ang pamamaril at inatasan ang mga imbestigador na pabilisin at tiyaking patas ang imbestigasyon. Tiniyak din niya ang buong suporta ng pulisya upang makamit ang hustisya para sa biktima at sa media community.
Source: Bicol DotPH

