Dating Mayor ng Bayan ng Daet nagpaliwanag sa isyu ng sirang Traffic Light

Daet, Camarines Norte – Bunsod ng patuloy na reklamo mula sa mga motorista at mamamayan tungkol sa matagal nang sira na traffic light, nagbigay-linaw si Vice Mayor Benito Ochoa sa isang panayam ng media.

Ayon kay Ochoa, nasira ang traffic light sa panahon na kasagsagan ng kampanya para sa May 2025 elections. At bagamat abala sa pangangampanya, iginiit niyang may ginawang hakbang ang kanyang tanggapan upang matugunan ito.

“May kinausap kaming lokal na technician dito sa Daet para tingnan ang sira. Ang rekomendasyon nila ay kontakin na lang ang supplier dahil may mga piyesang hindi available dito sa atin,” pahayag ni Ochoa.

Aniya, nakontak naman nila ang supplier na nakabase sa Maynila subalit napag-alamang abala ito at walang available na tauhan na maaaring agad na magtungo dito sa Daet para magsagawa ng pagsusuri at pagkumpuni.

Dagdag pa ng bise alkalde, maaari naman sana niyang iatas ang pagbili ng panibagong traffic light, ngunit minabuti na lamang niyang ipaubaya ang hakbang sa bagong alkalde dahil patapos na rin ang kanyang termino.

“Mas makabubuting ang bagong administrasyon na ang magdesisyon kung repair o total replacement ang kailangang gawin,” dagdag ni Ochoa.

Binigyang-diin din ng bise-alkalde na transparent ang kanyang administrasyon pagdating sa dokumentasyon.

“Wala po kaming itinatagong dokumento. Bukas ang lahat ng records sa mga opisyal na tanggapan sa munisipyo,” tugon niya sa tanong kung handa ba siyang ipagkaloob ang kaugnay na mga papeles sakaling hilingin ng kasalukuyang alkalde.

Ito ay bilang tugon na rin sa isang naunang panayam kay Mayor Ronie Valencia kung saan tinanong ito kung hihingin ba niya ang mga dokumento kaugnay ng nasabing traffic light.

Nilinaw pa ni Ochoa na ang nasabing traffic light ay ipina-install noong panahon pa ng dating alkalde na si Mayor Tito Sarion.

Samantala, nauna ng inihayag ni Mayor Valencia na may nakausap na siyang pribadong kumpanya na may kakayahang mag-install at mag-ayos ng mga traffic light.

Ayon sa alkalde, nagkasundo sila na magpapadala ang nasabing kumpanya ng technical personnel upang suriin kung maaari pa bang ayusin ang traffic light o kung kinakailangan nang palitan ito ng bago.

source: Sherwin Asis

Loading spinner
Avatar photo
Baretang Bikolnon News Advertising Services DTI BN: 6931839 Were accepting local advertisements nationwide and promotions. Just send us a message. Thank you POST YOUR ADS HERE ,➡️ https://bicolnewsonline.com/classifieds/

2 thoughts on “Dating Mayor ng Bayan ng Daet nagpaliwanag sa isyu ng sirang Traffic Light

  1. Sa totoo naman hindi traffic light ang main issue dyan kundi ang disiplina ng mga motorista at ang selective apprehension ng mga traffic enforcer especially sa mga nadouble parking sa mga kalsada, pag tricycle at motor ticket kagad pag four wheels talikod kagad.

    Naranasan ko po yan dahil nung nagpark ako ng motor sa unahan ko may 4 wheels merong enforcer sa bandang unahan almost 1 hour akung nakapark, paglabas ko ng establishment may nakaabang ng enforcer wala ang 4 wheels ayun natikitan ako ng illlegal parking.

    Disiplina at tamang pagpapatupad ng trapiko with or without traffic light.

    Loading spinner
    1. natumbok mo sir, hindi lang isang beses akung napapadaan dyan sa palengke ng daet double parking na alanganin pa pagkakaparada na nagiging dahilan ng traffic. Ang problema talaga dyan yung mga motorista na hindi sumusunod sa batas

      Loading spinner

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Back To Top