Isa Patay, Dalawa ang Sugatan sa Salpukan ng mga sasakyan sa Brgy Catagbacan San Andres

San Andres, Catanduanes – Isang lalaki ang nasawi habang dalawa ang sugatan matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Barangay Catagbacan, San Andres, Catanduanes noong gabi ng Hulyo 6, 2025.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng San Andres Municipal Police Station, bandang alas-7:40 ng gabi nang makatanggap ng impormasyon ang istasyon hinggil sa nasabing insidente sa tapat ng Catagbacan Elementary School.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na ang Vehicle 1 (V1), na minamaneho ni alyas Cardo, isang mekaniko, walang lisensya at walang suot na helmet, ay bumabaybay mula Brgy. Cabcab patungong Brgy. Catagbacan. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nasalpok ito ng Vehicle 2 (V2) na minamaneho ni alyas FRED, na wala ring lisensiya at walang suot na helmet, at may angkas na kinilala sa tawag na RIC, na wala ring suot na helmet, kapwa residente ng Brgy. Codon San Andres Catanduanes.

Batay sa imbestigasyon, ang V2 ay naglalakbay mula Poblacion ng San Andres patungong Brgy. Codon at umano’y nag-overtake sa isang traysikel bago naganap ang banggaan.

Ang driver ng V1, ay nagtamo ng matitinding pinsala at agad isinugod sa JMA Memorial District Hospital ngunit idinaklarang patay pagdating sa ospital bandang 8:19 ng gabi ni Dr. Francis Charles Andaya, ang sumuring na doktor.

Samantala, nagtamo rin ng mga pinsala ang driver ng V2 at ang kanyang angkas. Sila ay dinala sa parehong ospital para sa paunang lunas at kalauna’y inirekomendang ilipat sa Catanduanes Doctors Hospital Inc. (CDHI) sa Virac para sa mas masusing gamutan.

“Pinapaalalahanan po natin ang publiko na laging sundin ang mga batas trapiko, magsuot ng helmet, at tiyaking kumpleto ang dokumento’t lisensya upang maiwasan ang mga ganitong klaseng aksidente,” pahayag ni PMAJ Francis T. Tabo I.

Source: San Andres MPS | Rey Boton

Loading spinner
Avatar photo
Baretang Bikolnon News Advertising Services DTI BN: 6931839 Were accepting local advertisements nationwide and promotions. Just send us a message. Thank you POST YOUR ADS HERE ,➡️ https://bicolnewsonline.com/classifieds/

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Back To Top