Camarines Norte -Agarang kumilos ang Camarines Norte Police Provincial Office kaugnay ng mga impormasyong kumakalat sa iba’t ibang social media platforms hinggil sa umano’y banta sa seguridad ng ilang paaralan sa lalawigan ng Camarines Norte.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang masusing validation, pangangalap ng impormasyon, at imbestigasyon ng CNPPO upang matukoy ang katotohanan sa likod ng mga kumakalat na mensahe at masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Bilang bahagi ng agarang pagtugon, agad ding nakipag-ugnayan ang CNPPO sa mga kinauukulang ahensya, lokal na pamahalaan, mga pamunuan ng paaralan, at maging sa Muslim community sa buong lalawigan, na mariing kinondena ang anumang uri ng ganitong gawain at nagpahayag ng kanilang suporta sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa komunidad.
Nitong Hulyo 6, 2026, dakong 1:00 ng hapon, dumalo si Police Colonel Dave A Mejia, Acting Provincial Director ng CNPPO, kasama si PLTCOL Rogelyn C Peratero, Deputy Provincial Director for Operations, mga Chief of Police ng iba’t ibang Municipal Police Stations, at mga Force Commanders ng Provincial Mobile Force Company sa isang Emergency Meeting na pinangunahan ni Hon. Ricarte R. Padilla, Gobernador ng Camarines Norte, kasama ang DILG, AFP, media representatives, at mga school heads at faculty members mula sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan.
Tinalakay sa naturang pagpupulong ang mga agarang hakbang at preventive security measures kaugnay sa kumakalat na Messenger message na nagdulot ng pangamba sa publiko, partikular sa sektor ng edukasyon. Layunin ng pulong na higit pang patatagin ang koordinasyon at pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, mga paaralan, at law enforcement agencies upang masiguro ang mabilis at epektibong pagtugon sa anumang posibleng banta.
Kasunod nito, dakong 4:30 ng hapon, pinangunahan din ni PCOL Mejia ang isang emergency meeting sa Camp Wenceslao Q. Vinzons Sr., kasama ang CNPPO Staff Officers, mga kinatawan ng 902nd Brigade, 9th Infantry Division, Philippine Army, mga Chief of Police ng Municipal Police Stations, at mga Force Commanders ng PMFC upang talakayin ang karagdagang mga hakbang sa seguridad.
Ang mga isinagawang pagpupulong at koordinasyon ay patunay ng sama-samang pagkilos ng lokal na pamahalaan, CNPPO, DILG, AFP, mga paaralan, at iba pang kinauukulang sektor sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa buong lalawigan.
Bilang bahagi ng mga ipinatutupad na preventive security measures, lalo pang pinaigting ang police visibility at police presence sa mga paaralan at iba pang matataong lugar. Patuloy rin ang isinasagawang monitoring, validation, at intelligence gathering operations upang maagapan ang anumang banta sa seguridad ng publiko.
Hinihikayat din ng CNPPO ang mga magulang, guro, mag-aaral, at buong komunidad na maging mapagmatyag at responsable sa paggamit ng social media upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng takot at pangamba.
Pinapaalalahanan din ang publiko na agad ireport sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang tao, bagay, o aktibidad.
Samantala, binigyang-diin ng CNPPO na ang sinumang mapapatunayang nagpapakalat ng maling impormasyon o gumagawa ng mga banta na nagdudulot ng takot at panganib sa publiko ay mananagot sa ilalim ng umiiral na batas.
Sa ilalim ng pamumuno ni PCOL Dave A Mejia, nananatiling matatag ang Camarines Norte Police Provincial Office sa pagpapanatili ng isang ligtas, maayos, at mapayapang kapaligiran para sa mga paaralan at buong pamayanan, alinsunod sa tungkuling “To Serve and Protect.”
Source: CNPPO

