LABO, Camarines Norte – Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Labo Municipal Police Station (MPS), katuwang ang iba pang operating units, ang dalawang wanted person sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa nitong Mayo 29, 2026 sa Quezon Province at bayan ng Labo, Camarines Norte.
Unang naaresto bandang 8:00 ng umaga sa Brgy. Lalaguna, Lopez, Quezon Province ang isang lalaki na kinilalang si alyas “John,” 32 taong gulang at residente ng Brgy. Tigbinan, Labo, Camarines Norte.
Ang operasyon ay isinagawa ng Labo MPS katuwang ang Camarines Norte 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC), Camarines Norte Criminal Investigation and Detection Team (CIDT), at Camarines Norte Provincial Intelligence Unit (PIU) sa ilalim ng superbisyon ni PLTCOL Andy O Rosero, Chief of Police ng Labo MPS.
Inaresto ang akusado sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas nitong Mayo 21, 2026 kaugnay ng kasong paglabag sa Republic Act 9262 o “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004,” na may inirekomendang piyansa na Php72,000.00 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Samantala, bandang 2:20 ng hapon naman ay matagumpay ding naaresto sa Labo, Camarines Norte ang nakatalang Municipal Rank No. 1 Most Wanted Person ng bayan ng Vinzons, Camarines Norte na kinilalang si alyas “Many,” 24 taong gulang at residente ng Purok 1, Brgy. Sabang, Vinzons, Camarines Norte.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Labo MPS, Vinzons Municipal Police Station, Camarines Norte 2nd PMFC, Camarines Norte CIDT, at Camarines Norte PIU sa ilalim pa rin ng superbisyon ni PLTCOL Andy I Rosero.
Ang nasabing akusado ay inaresto sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Rape na inisyu nitong Hunyo 25, 2025, na may rekomendasyong walang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sa parehong operasyon, maayos na ipinaalam sa mga akusado ang dahilan ng kanilang pagkakaaresto at kanilang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanilang nauunawaan.
Matapos nito ay dinala sila sa Rural Health Unit ng Labo para sa physical at medical examination bago itinurn-over sa kustodiya ng Labo MPS para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon habang hinihintay ang pagbabalik ng warrant sa mga hukuman na nagpalabas nito.
Patuloy namang pinaigting ng Camarines Norte Police Provincial Office ang kampanya laban sa mga wanted person bilang bahagi ng mas pinaigting na law enforcement operations upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.

