Magpapatupad ang Department of Education ng 4 Day on Site Work para sa kanilang mga empleyado bilang pagtugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, na magtipid sa paggamit ng enerhiya sa gitna ng tensiyon sa bahagi ng Middle East.
Sa Deped Memorandum na inilabas ni Sec Sonny Angara itinalaga ang araw ng biyernes bilang Work From Home day para sa mga Non-Teaching Personnel, kabilang na rin dito ang Contract of Service at Job Order.
Nilinaw nito na hindi sakop ng memorandum ang mga guro na kaya patuloy ang kanilang pagpasok base sa regular na oras ng kanilang trabaho upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagdaraos ng mga klase at end-of-school year activity.
Bukod sa flexible work arrangements, inatasan din ng ahensya ang lahat ng tanggapan nito na magpatupad ng energy conservation protocols. Target ng ahensya na mapababa ng 10% hanggang 20% ang konsumo sa kuryente at krudo.
Kasama sa mga mahigpit na hakbang ang pagtatakda ng mga air conditioners sa 24 degrees Celsius, pag-activate ng sleep settings sa mga kagamitan sa opisina, at pagpatay ng mga hindi esensyal na ilaw at electronics kapag lunch break at pagkatapos ng oras ng trabaho.

