Muling magbabalik bilang pinuno ng Philippine National Police dito sa ating probinsya si Police Colonel Lito Laurio Andaya batay sa kautusan na ipinalabas ng Police Regional Office 5 na nakabase sa Camp Simeon Ola, Legazpi City, Albay.
Batay sa Special Order no. PRO5-SO-RA-2025-1131, ipinag-uutos ang pagtatalaga kay Col. Andaya bilang provincial director ng Camarines Norte Provincial Police Office epektibo nitong Hunyo a-dose taong kasalukuyan, mula sa dating destino nito sa Regional Personnel Holding and Accounting Section (RPHAS)-Regional Personnel and Records Management Division (RPRMD) ng PRO 5.
Ang naturang kautusan ng muling pagkakatalaga ni Col. Andaya bilang Police Provincial Director ng lalawigan ay sa utos ni Police Brigadier General Andre Perez Dizon na ipinalabas ni Police Colonel Alvin R Consolacion, Chief of Regional Staff na nilagdaan ni Police LtCol. Roseleen P Vasquez, Officer In Charge ng Office of the Regional Personnel and Records Management Division ng pangrehiyong tanggapan ng PNP.
Matatandaan na itong si Col. Andaya ay nailipat sa pangrehiyong tanggapan ng PNP ilang araw bago sumapit ang halalan nitong Mayo a-dose at pansamantalang pinamunuan ni Police Colonel Roque A Bausa, Deputy Regional Director for Operation ang kapulisan dito sa ating probinsya.