Pagbabawal ng Plastic sa mga establismento muling tatalakayin sa Sangguniang Panlalawigan

Pag-aaralan o muling tatalakayin ng Sangguniang Panlalawigan ang mga ordinansa na may kaugnayan sa regulasyon ng paggamit ng plastic sa mga pamilihan, groceries at tindahan sa lalawigan para malaman ang mga dahilan kung bakit hindi ito epektibong naipatutupad.

Ito ang napagkasunduan sa SP sa pangunguna ni Vice Governor Joseph Ascutia sa harap ng lumalalang problema ng basura sa probinsya sa lalawigan na ang karamihan ay mga plastic waste partikular yaong mga ginagamit ng mga groceries at tindahan sa kanilang mga ibinibentang mga produkto.

Sa pahayag ni Vice Governor Ascutia, napakahalagang pag-aralan ang mga naipasa ng provincial ordinance hinggil sa paggamit ng plastic sa layuning malaman ang mga dahilan kung bakit hindi naging maayos ang implementasyon nito.

Partikular na muling pag-aaralan ng SP ang Provincial Ordinance no.14-2014 na may titulong “An Ordinance Regulating the Use of Plastic Bags in Groceries, Restaurant and other Establishments and Providing Penalties for Violation Thereof” at ang Provincial Ordinance no. 18-2014 o “An Ordinance Regulating the Use of Non-Biodegradable Materials and Prescribing Penalties for Violation Thereof” na pawang naipasa pa noong taong 2014.

Ayon sa bise gobernador kapansin-pansin na may mga establisimyento sa ating lalawigan ang hindi sumusunod sa naturang ordinansa gayung may mga ilan naman ang tumatalima.

Ang kadalasang mga paglabag ayon sa obserbasyon ni Vice Governor Ascutia ay ang paggamit ng mga one time use plastic na nilalagyan ng mga pinamiling produkto mula sa mga establisimyento.

Isa ang bise gobernador sa mga nagsusulong ng maayos na disposal ng mga basura sa lalawigan kabilang na mahigpit na regulasyon sa mga basurang plastic na pangunahing sanhi ng ibat-ibang mga problemang pangkapaligiran.

Loading spinner

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Back To Top