Dalawang tulak ng ilegal na droga, arestado sa buy-bust sa Daet, Camarines Norte

Arestado ang dalawang tulak ng droga sa buy-bust operation ng pinagsamang puwersa ng Daet Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit – Police Provincial Drugs Enforcement Camarines Norte, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 5 sa Barangay I, Daet, Camarines Norte noong Nobyembre 20, 2024.

Kinilala ang mga suspek bilang isang 38 anyos na babae, walang trabaho, at residente ng Barangay III, Daet, Camarines Norte, at isang 47 anyos na lalaki, walang trabaho, at residente ng Barangay I, Daet, Camarines Norte.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang siyam (9) na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng white crystalline substance na pinaghihinalaang shabu, isang tunay na Php500 bill, at 11 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu mula sa isa sa mga suspek.

Ang kabuuang timbang ng nakumpiskang droga ay humigit kumulang apat (4) na gramo na may tinatayang market value na Php27,000.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

Patuloy na isinusulong ng Daet Municipal Police Station ang pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga upang masugpo ang kriminalidad at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod, alinsunod sa layunin ng Bagong Pilipinas.

source: PS Balita

Loading spinner
Back To Top