Isusulong ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte na maging isang tunay at ganap na kooperatiba ang Camarines Norte Electric Cooperative (CANORECO).
Ang hakbang na ito ayon kay acting Provincial Cooperative Development Officer Abel Icatlo ay sa layuning mas mapakinabangan at mabigyan ng mas malawak na benepisyo ang mga member-consumer-owners (MCOs) sa lalawigan.
Aniya, ito ang tahasang “marching order” o kautusan ni Gobernador Ricarte “Dong” Padilla sa harap ng ibat-ibang mga usapin sa kooperatiba ng koryente kagaya ng naiulat na pagpasok ng pribadong kompanya sa Canoreco.
Paliwanag ni G. Icatlo sa panayam ng Radyo Pilipinas, sa kasalukuyan ay maituturing na isang “mestisong kooperatiba” lamang ang CANORECO.
Sa ngayon, hindi pa ito ganap na kooperatiba dahil nananatili pa rin ito sa ilalim ng National Electrification Administration (NEA) at hindi pa nasasakop ng Cooperative Development Authority (CDA).
Dahil dito, hindi lubos na tinatamasa ng mga miyembro ang mga benepisyo ng isang totoong kooperatiba.
Kapag tuluyang naging isang full cooperative ang CANORECO, makikinabang ang mga kasaping konsumedores sa mga sumusunod:
Patronage Refund: Pagkakaroon ng dibidendo o balik-benta para sa mga miyembro dahil magkakaroon na sila ng share capital sa kooperatiba.
Katapatan sa Pinansiyal: Mas magiging bukas at transparent sa mga MCOs ang lahat ng transaksiyon, kabilang ang usaping pinansiyal.
Binigyang diin din ni G. Icatlo na ang transpormasyong ito tungo sa pagiging tunay na kooperatiba ay nakasalalay ngayon sa pagkilos at desisyon ng Board of Directors ng CANORECO.
Hindi naman imposible ang planong ito dahil may ilang electric cooperative na sa bansa na dating hawak lang ng NEA ang naging full cooperative na sa ilalim ng CDA.
Halimbawa nito ang Benguet Electric Cooperative (BENECO) at Pangasinan I Electric Cooperative (PANELCO I), na sumailalim sa transisyon upang maibalik sa kanilang mga miyembro ang mga pribilehiyo at benepisyo ng isang tunay na kooperatiba.

