Daet, Camarines Norte – Umabot sa ₱10,200,000.00 ang tinatayang halaga ng nakumpiskang iligal na droga mula sa isang Big-Time Pusher / High-Value Target (HVT) na naaresto sa isinagawang drug buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng CNPDEU/PIU at Daet MPS, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA ROV, bandang 12:01 PM nitong Nobyembre 22, 2025 sa Purok 4, Brgy. Lag-on, Daet, Camarines Norte.
Kinilala ang suspek na si alyas “Larry”, 31 taong gulang, binata, isang call center agent, at residente ng Villa Karangahan, Brgy. Calauag, Naga City. Ang naturang personalidad ay nakalista bilang High-Value Individual (HVI/HVT) na aktibong sangkot sa bentahan ng ilegal na droga sa Camarines Norte at karatig-lugar.
Sa operasyon, narekober mula sa suspek ang humigit-kumulang 1,500 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na ₱10,200,000.00, gayundin ang isang ₱500.00 genuine money, 19 pcs fake ₱500.00 at 90 pcs fake ₱1,000.00 na marked money na ginamit sa transaksyon.
Mismong si PCOL PAUL F ABAY, Provincial Director ng CNPPO, ang personal na tumutok at nagbigay ng direktiba sa operasyon, at dumalo sa mismong lugar matapos ang pagkakaaresto upang tiyakin ang wastong pagproseso ng ebidensya at pagtalima sa chain of custody.
Ayon kay PCOL ABAY, “Isa na namang malaking tagumpay ang operasyong ito sa patuloy nating kampanya laban sa iligal na droga. Hindi titigil ang CNPPO hangga’t may mga indibidwal na patuloy na nagpapakalat ng iligal na droga na maaring ikapahamak ng mamamayan sa ating komunidad partikular dito sa ating probinsya.”
Ang suspek ay nasa kustodiya na ng Daet MPS at sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

