Muling nagdala ng karangalan sa lalawigan ng Camarines Norte ang mga estudyante mula sa Vinzons Pilot High School at Basud National High School matapos masungkit nito ang malaking karangalan sa katatapos na International Creativity and Innovation Award 2025 na ginaganap sa Ho Chi Minh City, Vietnam.
Nakuha ng Vinzons Pilot High School ang pinakamataas na karangalan sa pamamagitan nina John Jaymark M. Daza at Sarah Grace Pepito na kung saan ay nakatanggap sila ng tropeyo at bilang pagkilala sila ay pinagkalooban din ng apat na taong Scholarship sa Nusantraf University sa Indonesia. Ang mga mag-aaral na ito ay pinatnubayan ni G. Jason Bargo, Teacher III ng naturang paaralan.
Sa kaugnay na balita ay nakuha naman ng Basud National High School ang Titanum Award na siya namang pangalawang pinakamataas na parangal. Ang team ay binubuo nina Vincent Yuri A. Navarro, Rameses Rafa, , Ratherelle M. Ferrer at Jeziel R. Odover sa ilalim naman ng pamamatnubay ni G. Isagani Musa, Master Teacher II ng naturang paaralan at sa suporta na rin ni G. Michelle Hidalgo.
Silver Award naman ang nakuha nina Francia T. Sales, Miolica Nicolite M. Ngo, at Jo. Ma. Akio Sebastian na pawang nag-aaral sa Vinzons Pilot High School na ginabayan naman nina Engr. Lorenzo Fuentes at G. Jason Bargo.
Dahil ito ay personal na binati ni Schools Division Superintendent Crestito Morcilla ang mga mag-aaral sa kanilang tagumpay at pinatunayan umano nito na ang galing ng mga Pilipino pagdating sa Science ay competitive at hindi napag-iiwanan. Ayon pa dito, ang karangalan umanong natanggap ng mga kabataan ay hindi lamang karangalan ng Camarines Norte bagkus ito ay karangalan ng boung bansa.