Paracale, Camarines Norte- Isang insidente ng pamamaril ang naganap bandang alas 5:05 ng umaga nitong June 4, 2025 sa Purok 7, Brgy. Gumaus, Paracale, Camarines Norte. Ang insidente ay iniulat sa himpilan ng pulisya bandang alas-5:53 ng umaga ng parehong araw. Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Paracale Municipal Police Station sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ ARKHEMEDES C GARCIA, Chief of Police.
Batay sa paunang imbestigasyon, lumalabas na ang suspek na kinilala sa alyas na “Endo”, 44 anyos, isang magsasaka at residente ng naturang lugar na pinaniniwalaang may matinding krisis sa kalusugang pangkaisipan, dahilan ng kanyang paranoia na may nais umanong pumatay sa kanya at sa kanyang pamilya. Dahil dito, umiiwas siyang manatili sa kanyang sariling tahanan at kadalasang natutulog sa bahay ng kanyang mga kapatid. Kagabi, bago ang krimen, nanuluyan siya sa bahay ng kanyang kapatid na si alyas “Celso”, 60 taong gulang, na nakatira roon kasama ang kanyang kinakasama na si alyas “Vina, 40 taong gulang.
Kaninang madaling araw, habang ang mag-partner ay nagkakape, bigla silang pinaputukan ng suspek gamit ang kanyang dalang baril. Hindi kaagad tinamaan ang dalawa kaya’t nagtangkang tumakas habang sumisigaw si Celso ng, “Tol, anong kasalanan ko? Bakit mo ako ginaganito?” Habang tumatakas ang mga biktima, sinubukang tumulong ang hipag ng suspek na si alyas “Susan”, 54 taong gulang, at ang pamangkin nitong si alyas “Soy”, 29 taong gulang. Sa kasamaang-palad, ang dalawang biktima ay tinamaan din. Si Susan ay tinamaan ng bala sa binti at si Soy ay nagtamo ng galos sa katawan.
Nang maubusan ng bala ang suspek, kumuha siya ng patalim at pinagsasaksak ang kanyang kapatid na si “Celso” na nasa kalapit na bakanteng lote kung saan ito ay natumba. Pagkatapos nito, bumalik siya sa barung-barong kung saan naroroon si “Vina”, na umano’y humiga na dahil sa panghihina at pagkahilo dulot ng high blood. Siya rin ay pinagsasaksak ng suspek at hindi na umabot ng buhay sa ospital.
Sa naganap na insidente, dalawang katao ang nasawi: ang mag-partner na sina “Celso” at “Vina” habang si “Susan” ay nasa kritikal na kondisyon sa ospital at si “Soy” ay nagtamo lamang ng minor injruies at pinalabas na mula sa pagamutan.
Bilang tugon sa insidente, kaagad na nagsagawa ang Paracale MPS ng hot pursuit operation katuwang ang mga opisyal ng Barangay Gumaus upang mahanap ang kinaroroonan ng suspek. Nagpadala rin ng flash alarm sa lahat ng himpilan ng pulisya upang ipabatid ang insidente at matiyak ang mabilis na pagdakip sa suspek sakaling ito ay mamataan sa ibang lugar.
Ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ay agad na ipinadala upang magsagawa ng forensic investigation sa lugar ng krimen. Dagdag pa rito, ang mga imbestigador ay ipinadala sa Camarines Norte Provincial Hospital upang beripikahin ang kalagayan ng mga biktima at mangalap ng karagdagang impormasyon.
Hinimok ng Paracale Municipal Police Station ang publiko na maging mapagmatyag at agad na magsumbong sa mga awtoridad kung may nalalaman tungkol sa kinaroroonan ng suspek. Tiniyak din ng PNP na ginagawa nila ang lahat ng hakbang upang maibigay ang hustisya sa mga biktima at mapanumbalik ang kapayapaan at seguridad sa lugar.
Photo Courtesy of Paracale PNP