Suspect sa pagnanakaw sa isang resort nahuli ng mga operatiba

San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte — Nitong Mayo 25, 2025, bandang alas-dos ng hapon, isang insidente ng pagnanakaw ang naiulat sa isang resort sa bayan ng San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte .

Ang biktima ay kinilalang si alyas “Kaye”, 33 taong gulang, isang negosyante at residente ng Vinzons, Camarines Norte. Ayon sa ulat, ang biktima ay agad na nagtungo sa San Lorenzo Ruiz Municipal Police Station upang iulat na nawawala ang kanyang itim na belt bag na naglalaman ng humigit-kumulang PHP 120,000.00 matapos niyang bumalik sa kanyang inuupahang villa sa nasabing resort.

Batay sa CCTV footage ng resort, nakita ang isang lalaking pumasok sa villa at kinuha ang nasabing halaga ng pera. Sa agarang koordinasyon ng mga operatiba mula sa San Lorenzo Ruiz MPS, Mercedes MPS, at Camarines Norte Police Intelligence Unit (CNPIU), isinagawa ang isang hot pursuit operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek sa Purok 6, Barangay Hinipaan, Mercedes, Camarines Norte.

Kinilala ang suspek na si alyas “Bitoy”, 28 taong gulang, walang trabaho, at residente ng Mercedes, Camarines Norte. Mula sa kanya ay narekober ang kabuuang halaga na umaabot sa PHP 70,726.00.

Bukod pa rito, sa isinagawang legal na paghahalughog, dalawang (2) heat-sealed na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang nakuha mula sa suspek.

Isinagawa ang tamang marking, imbentaryo, at dokumentasyon ng mga nakumpiskang ebidensiya sa presensya ni Barangay Captain Manuel Z. Pardo ng Brgy. Hinipaan at media representative Dennis Sanchez mula sa Radyo Pilipinas.

Ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng San Lorenzo Ruiz MPS para sa karampatang disposisyon. Inihahanda na rin ng mga imbestigador ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek.

Ang kapulisan ng Camarines Norte ay muling nagpapaalala sa publiko na maging maingat, mapagmatyag at agad i-report ang mga kahina-hinalang aktibidad sa inyong lugar upang mapanatili ang seguridad at kaligtasan.

source: Camarines Norte Police Provincial Office – Pulis Bantayog 

Loading spinner

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Back To Top