Nagsampa na ng kaso ang Department of Agriculture (DA) sa importer na umano’y sangkot sa smuggling o pagpupuslit ng P20.8 million na halaga ng carrots at puting sibuyas sa Port of Subic.
Pinangunahan ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang paghahain ng kaso laban sa Betron Consumer Goods Trading sa Olongapo City Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa Food Safety Act at 1978 Plant Quarantine Law.
Ayon sa BPI, una silang nagpadala ng show-cause order laban sa naturang kumpaniya ngunit binalewala umano, dahilan ng tuluyang pagsasampa ng kaso.
Maaalalang noong Agosto ng nakalipas na taon ay limang shipping container ang nasabat sa naturang pantalan na naglalaman ng mahigit 56 kilo ng carrots at mahigit 85 kilo ng puting sibuyas.