Paracale, Camarines Norte- Isang kahanga-hangang pagkilos ng kapulisan ang naitala ngayong araw, Mayo 5, 2025 sa Barangay Labnig, Paracale, Camarines Norte, kung saan matagumpay na naaresto ang isang suspek na sangkot sa tangkang pamamaril at tahasang paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na may kaugnayan sa COMELEC Gun Ban.
Ayon sa ulat mula sa Paracale MPS, bandang alas-6:00 ng gabi, habang sina Pat Sean D Abasolo at kanyang kasamahan mula sa 2nd Camarines Norte Provincial Mobile Force Company na si Pat Florence Gil Torallo, ay naka duty sa Labnig Elementary School para sa pagbabantay ng Automated Counting Machine (ACM) bilang bahagi ng kanilang mahalagang tungkulin ngayong National and Local Elections 2025, isang insidente ang agad nilang nirespondehan.
Isang delivery rider ang humingi ng tulong sa mga pulis at isinalaysay na habang inihahatid ang isang parcel sa isang lalaking suspek na kinilala sa alyas na “Efren”, 77 taong gulang, isang negosyante at residente ng nasambit na barangay, ay bigla itong nagalit, bumunot ng baril, at tinutukan ang biktima. Mabuti na lamang at napigilan ito ng kasama, kaya’t nang kalabitin ang gatilyo ng baril ay hindi direktang natamaan ang rider.
Sa agarang pagresponde, agad na inaresto ang suspek at narekober mula sa kanya ang isang pinaghihinalaang kalibre .357 revolver na may tatak na “MADE IN BRASIL INTERARMS ALEXANDRIA, VIRGINIA” at “AMADEO ROSSI S.A. BAO LEOPOLDO R.S.” na may Serial No. P 012223. Nakuha rin ang limang (5) bala, isang (1) fired cartridge, at karagdaga pang limang (5) bala para sa nasabing baril.
Dinala sa himpilan ng Paracale MPS ang suspek para sa kaukulang disposisyon. Kasalukuyan nang inihahanda ng Imbestigador-on-Case (IOC) ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsampa ng kaso laban sa suspek.
Muli, pinatunayan ng tauhan ng Pulis Bantayog ang dedikasyon, kahusayan, at pagiging alerto sa pagsasagawa ng tungkulin, lalo na sa pagbabantay at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ngayong paparating na halalan.
source: Camarines Norte Provincial Police Office – Pulis Bantayog