12,000 kapulisan dineploy ng PRO 5 upang masiguro ang ligtas nahalalan sa Mayo 12

Isang linggo bago ang Pambansa at Lokal na Halalan sa Mayo a-dose , natapos na ng Police Regional Office 5 ang pagpaplano at deployment ng kanilang mga security forces upang matiyak ang ligtas, mapayapa, at credible ang isasagawang halalan sa rehiyon ng Bikolandia.

Batay sa ipinalabas na opisyal na pahayag ng PRO 5, ang buong puwersa ng kapulisan ay nasa full alert status na, na nangangahulugang lahat ng yunit ay ganap na nakahanda, at ang lahat ng tauhan ay naka-standby para sa 24/7 na operasyon at ang mga pribilehiyo sa bakasyon ay sinuspinde upang mas mapalakas ang presensya ng mga naka-unipormeng tauhan sa mga panahong ito.

Ayon sa ulat, umaabot sa 12,040 na tauhan mula sa PNP Bicol, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang mga ahensyang katuwang ang ipinakalat sa buong rehiyon kung saan ang mga puwersang ito ay ilalagay malapit sa mga polling center at mga estratehikong lokasyon upang magsilbing mga first responders at mapanatili ang seguridad at kaayusan bago, habang, at pagkatapos ng halalan.

Ang naturang mga uniformed personnel ay mangunguna sa pagmamando ng mga checkpoint at chokepoint upang mapigilan ang mga ilegal na aktibidad, magsasagawa ng mobile at foot patrol sa mga pangunahing lugar, at panatilihin ang mataas na visibility ng pulisya upang hadlangan ang mga kriminal na gawain, pati na rin ang pagsasagawa ng mga covert at overt security operations upang masubaybayan ang mga banta sa kaligtasan ng publiko.

Ang mga Quick Response Teams (QRTs) ay naka-standby upang tugunan ang anumang hindi inaasahang insidente o emerhensya, habang ang Reactionary Standby Support Forces (RSSF) ay handang magbigay ng agarang suporta kung kinakailangan. Patuloy ang monitoring ng intelihensiya at pakikipag-ugnayan sa Commission on Elections (COMELEC) at iba pang ahensya ng batas upang asahan at tugunan ang mga posibleng karahasan o kaguluhan na may kaugnayan sa halalan.

“Ginagawa namin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak na ang mga Bicolano ay makaboto ng walang takot at intimidation. Hindi ito isang simpleng deployment. Ito ay isang komprehensibo at proaktibong pagsisikap sa seguridad na kinabibilangan ng libu-libong dedikadong kalalakihan at kababaihan na committed sa pagprotekta sa kabanalan ng balota,” sabi ni RD DIZON.

Pinatitindi din ng PRO 5 ang kamalayan ng publiko at hinihimok ang komunidad na i-report ang anumang kahina-hinalang kilos o mga paglabag na may kaugnayan sa halalan sa pamamagitan ng mga itinatag na hotline at mga sentro ng suporta sa komunidad.

“Ang aktibong kooperasyon ng publiko ay hinahanap upang matiyak na ang halalan ay hindi lamang magiging mapayapa kundi pati na rin sumasalamin sa tunay na kagustuhan ng mga tao.”, pahayag pa ng PRO 5.

Sa nalalabing mga araw bago ang halalan, ipinahayag ng pamunuan ng pulisya sa BIKOL na nananatiling kumpiyansa ang puwersa ng kapulisan na sa pamamagitan ng masusing paghahanda at nagkakaisang pagsisikap ng mga ahensya ng gobyerno at ng publiko, ang 2025 halalan sa Bicol Region ay magiging ligtas, maayos, at maaasahan.

Report from PRO 5

Back To Top