Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na walang mangyayaring lockdown sa bansa bunsod sa nakakahawang sakit na mpox o monkeypox.
Ito ang nilinaw ng ahensiya matapos maglabasan ang mga fake news na nagsasaad na magkakaroon ng lockdown sa June 6 lalo na sa bahagi ng Metro Manila.
Ayon kay Health Spokesperson Asec Albert Domingo, hindi na umano kailangang magpatupad ng lockdown dahil hindi naman airborne ang mpox o hindi naipapasa ang virus nito sa pamamagitan ng hangin tulad ng COVID-19.
Ayon pa dito mas marami pa rin ang naitalang Mpox noong 2024 kung ikukumpara ngayong taon. Mas marami aniya ang naitala noong buwan ng Abril kesa ngayong Marso 2025.
Samantala, nilinaw ni ASec. Domingo na hindi pa nakakapasok sa bansa o wala pang nadedetect sa Pilipinas na variant ng mpox na Clade 1B, na naitala na sa ibang bansa.
Aniya, karaniwang nadedetect ay ang Clade II na mild variant ng mpox na may mas mababang mortality rate o nasa 1 mula sa 10 na dinapuan ng sakit ang nasasawi. Kumpara sa Clade 1b na nasa 4 hanggang 5 ang naitatalang nammatay.
Kaugnay nito, patuloy na hinihimok ng DOH ang publiko na tanging sa opisyal na FB page ng DOH sumangguni para sa tamang impormasyong pangkalusugan.
Sa kasalukuyan, ayon kay ASec. Domingo, nasa kabuung 911 ang kaso ng mpox sa Pilipinas simula noong 2024.
Aniya, noong Setyembre 2024, nasa 200 ang mpox cases kabilang ang suspected at probable cases subalit mababa sa 10 o 20 lamang ang kumpirmadong kaso ng mpox.
Ngayong taon naman, mas mababa sa 50 ang naitala ngayong Mayo kumpara sa lagpas 50 na naitala noong Abril.
Sa kabila nito, inihayag naman ni ASec. Domingo na ang mpox ay sakit na kusang gumagaling sa loob ng 2 hanggang 3 linggo.
Sinabi din ng opisyal na walang masama sa pagsusuot ng face mask na ipinapatupad ng ilang LGU para maiwasan ang sakit. Subalit paglilinaw ng opisyal na naipapasa ang mpox sa pamamagitan ng close contact o skin to skin kayat dapat aniyang ipinatupad na precaution ay base sa kung papaano naihahawa ang sakit.
Hinihimok naman ng DOH ang lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa ahensiya upang masuri ang mga precautions na kinakailangang ipatupad para mapigilan ang hawaan ng sakit.
source: Bombo Radyo Philippines