Halalan 2025: Tawag para sa Malinis na Eleksyon at Tamang Pagpili ng Ating mga Pinuno

Introduksyon:

Naalala ko ang isang paliwanag ng aking propesor tungkol sa demokrasya. Isipin daw natin na bawat Pilipino ay nagbibigay ng isang piso sa isang kandidato. Sa pinakahuling tala, may 116 milyong Pilipino (Philippines Population, n.d.)—ibig sabihin, ang nahalal na pinuno ay may hawak na kapangyarihang katumbas ng milyun-milyong piso. Ang tanong, kanino natin ibibigay ang ganitong kapangyarihan?

Isang beses, may kaibigan akong nanghikayat na suportahan ang kanyang kandidatong kaibigan. Ang sagot ko, “Kung pipili ako ng lider, hindi ako magbabase sa ‘lesser evil.’ Mas mahalaga ang kanyang kakayahan, track record, at integridad.” Ang sagot niya, “Wala naman tayong magagawa, ganito na talaga ang pulitika sa Pilipinas.”

Pero kung wala tayong magagawa, bakit pa tayo bobo-to? Kung wala tayong magagawa, ano ang silbi ng demokrasya sa ating bansa?

Ngayong Halalan 2025, panahon na para simulan ang pagbabago. Ang artikulong ito ay isang panawagan para sa malinis na eleksyon at matalinong pagboto. Nawa’y mabuksan nito ang ating mga mata at bigyan tayo ng lakas ng loob na talikuran ang maling gawain, iwaksi ang lumang mindset, at piliin ang tama—dahil kahit isang boto, may kapangyarihan itong baguhin ang ating kinabukasan.

Ano ang Clean Elections?

Sa pinakasimpleng pagpapaliwanag, ang clean elections ay tumutukoy sa isang halalan na isinagawa nang malaya, patas, at walang pandaraya. Sa Pilipinas, ang batayan ng malinis na halalan ay matatagpuan sa Republic Act No. 180, o mas kilala bilang The Revised Election Code. Ang batas na ito ay nagbibigay ng mga panuntunan upang matiyak na ang bawat halalan ay sumusunod sa mga prinsipyo ng transparency, integridad, at patas na kompetisyon.

Ayon din sa isang pag-aaral ang isang halalan ay masasabing malinis kung ito ay may mga sumusunod na katangian (Schaffer, n.d.):

✅ Malayang Paglahok – Lahat ng mamamayan na may karapatang bumoto ay dapat may kalayaang gawin ito nang walang takot o pananakot.
✅ Patas na Kompetisyon – Lahat ng kandidato ay dapat may pantay na oportunidad sa pangangampanya at paggamit ng media.
✅ Walang Pandaraya – Hindi dapat magkaroon ng vote buying, voter suppression, dayaan sa bilangan, o pagmamanipula sa resulta ng eleksyon.
✅ Independiyenteng Pangangasiwa – Ang eleksyon ay dapat pangasiwaan ng isang neutral at transparent na komisyon, tulad ng Commission on Elections (COMELEC).

Sa madaling salita, ang clean elections ay isang halalan kung saan ang bawat mamamayan ay may tunay na boses at ang resulta ay sumasalamin sa totoong kagustuhan ng mga botante—hindi sa pamamagitan ng panlilinlang, pananakot, o suhol (Schaffer, n.d.).

Bakit Mahalaga ang Voter’s Education?

Plataporma, Hindi Personalidad

Isa sa pinakamalaking problema sa ating halalan ay ang pagboto batay sa kasikatan, personalidad, o pangalan kaysa sa konkretong plano at kakayahan ng isang kandidato. Dahil fan ka ng pelikula niya, dahil nakakatawa siya, o dahil lahat ng kanto may mukha niya— sapat na ba iyon para ipagkatiwala ang kinabukasan ng bayan? Shoutout din sa mga kandidatong may-ari ng construction companies—booming ba ang business lately?

Pero kapag tinanong mo ang mga sikat na ito tungkol sa kanilang plano para sa bayan, ang sagot? Paulit-ulit na script:
📌 Template No. 1: Mamimigay ng ayuda
📌 Template No. 2: Chismis tungkol sa kalabang kandidato
📌 Template No. 3: Sing and dance portion!

Oh ‘di ba? Konting pang-uuto lang, bumigay ka na.

📢 Sa susunod na may kumampanya sa inyo, tanungin n’yo ng basic!

Ilan ang populasyon sa inyong bayan?
➡️ Ipinapakita nito kung alam ba niya ang dami ng taong kanyang paglilingkuran.

Ilan ang kita ng inyong bayan noong nakaraang taon?
➡️ Malalaman mo rito kung may alam siya sa ekonomiya at budget ng inyong lungsod o puro press release lang.

Nasaan sila noong nakaraang bagyo?
➡️ Nasa action ba siya, tumutulong sa nasalanta? O nasa social media, nagpo-post ng “Stay Safe” habang nasa isang fundraising dinner sa Maynila?

💡 Aral: Ang tunay na lider may alam, may plano, at may ginagawa—hindi lang basta artista, viral sensation, o magaling sa soundbite.

✅ Pag-unawa sa Responsibilidad ng Isang Opisyal

Marami sa ating mga kababayan ang nalilito sa tungkulin ng bawat halal na opisyal. Mahalaga ang tamang kaalaman upang maiwasan ang maling pagpili ng lider batay sa kanilang “brand” at hindi sa kanilang tunay na trabaho sa gobyerno.

🔹Ano ang pagkakaiba ng Executive at Legislative?

  • Executive Branch (Pangasiwaan / Tagapagpatupad) – Sila ang nagpapatupad ng batas, nagdedesisyon sa polisiya, at namamahala sa pagpapatakbo ng gobyerno.


Halimbawa ng mga Executive Positions:

  • National Level: Pangulo, Bise-Presidente, Gabinete (e.g., DILG, DOH, DepEd)
  • Local Level: Gobernador, Mayor, Barangay Captain
  • ✅ Ano ang dapat hanapin sa isang kandidato?
    • Karanasan sa pamamahala at paggawa ng mahahalagang desisyon
    • Leadership skills, problem-solving ability, at crisis management
  • Legislative Branch (Tagagawa ng Batas) – Sila ang gumagawa at nag-aamyenda ng mga batas para sa kapakanan ng bayan.


Halimbawa ng mga Legislative Positions:

  • National Level: Senador, Congressman
  • Local Level: Board Member, City Councilor, Barangay Kagawad
  • ✅ Ano ang dapat hanapin sa isang kandidato?
    • Malawak na kaalaman sa batas at policymaking
    • May track record sa pagsusulong ng adbokasiya o batas

📌 Atin pong tandaan, hindi po trabaho ni Mayor ang maging ninong ng kada bagong silang na sanggol, or ang umattend sa kada burol. At saka shout po sa mga Barangay Captains na pet peeve ang pagsusuot ng helmet. Shout out din po sa mga kongresista na ang greatest achievement ay mag lead ng prayer sa kongreso! Sana po matupad na rin ang panalangin namin na may maipasa kayong batas at wag lang maging “Pampa(rami)” sa Kongreso. 

✅ Pag-iwas sa Vote Buying

Ang pagbebenta ng boto ay hindi lang isang simpleng kasalanan—ito ay isang pagtataksil sa bayan.

Maraming Pilipino ang natutuksong tumanggap ng pera, bigas, groceries, o iba pang pabuya mula sa mga pulitikong gustong bumili ng boto. Pero bago natin tanggapin ito, isipin natin ang mga sumusunod:

  • Ang pera ay nauubos, pero ang maling lider ay mananatili sa posisyon ng maraming taon.
  • Ang pagtanggap ng bayad para sa boto ay nagpapakita na tayo mismo ang nagpapahintulot sa katiwalian.
  • Ang mga batang Pilipino ang magdurusa sa hinaharap kung mananatili ang ganitong kultura.

📌 Mga kababayan ko, when we say “Proud to be a Filipino”, ang ibig sabihin nun hindi tayo mabibili sa halagang limang daang piso. Shout out po sa mga millenials at gen z! Sana matigil na sa henerasyong ito ang makitid at napaka tunnel vision na mindset. Magtiwala naman kayo sa inyong kakayanan at mga karapatan. Sa panahon ngayon, dapat alam na natin na hindi na uubra ang easy money tapos magrereklamo ka na mababa ang sahod, mahal ang bilihin, lubak ang daan, at walang signal?! 

Pangwakas na Pananalita: Isang Hamon sa Bawat Pilipino

Sa bawat boto na ating ihuhulog sa balota, tayo ay nagpapasya hindi lamang para sa sarili nating kapakanan kundi para sa kinabukasan ng ating bayan. Hindi na tayo dapat magpatalo sa kultura ng kawalang-pakialam, “pwede na,” at pagsasawalang-bahala sa ating kapangyarihan bilang mamamayan.

Ngayong Halalan 2025, ipakita natin na kaya nating itaas ang antas ng ating politika. Piliin natin ang mga lider na may tunay na malasakit, kakayahan, at integridad. Huwag tayong magpasilaw sa kasikatan, sa matatamis na pangako, o sa perang pansamantalang bubusog sa atin ngunit magpapalugmok sa bansa sa loob ng maraming taon.

Tayo ang haligi ng demokrasya. Ang eleksyon ay hindi isang laro kung saan ang pinakamalakas sa ingay ang nananalo—ito ay isang sagradong pagkakataon upang baguhin ang ating hinaharap.

Huwag nating sayangin ang ating boto. Huwag tayong matakot na lumaban para sa malinis na halalan. At higit sa lahat, huwag tayong magsawa sa pagsisikap na gawing mas makatarungan, mas matalino, at mas makabuluhan ang ating sistema ng pamamahala.

Dahil sa dulo ng lahat ng ito, sino pa ba ang mag-aangat sa ating bayan kundi tayo rin?

Pilipinas, gising na. Oras na para pumili ng tama.

—–ok ok last na to:
Isipin mo, magkano ang income tax na binabayaran mo kada taon? 2000? 3000? 5000?
O sige, multiply mo yan sa 116 million (let’s say lahat yan nagbabayad ng tax). Oh db? Tapos nagpapabayad ka ng 500 para iboto sila. What a joke!

References

Philippines Population. (n.d.). www.worldometers.info. Retrieved March 24, 2025, from https://www.worldometers.info/world-population/philippines-population/

Schaffer, F. C. (n.d.). Clean Elections and the Great Unwashed. Retrieved March, 2025, from https://www.ias.edu/sites/default/files/sss/papers/paper21.pdf

Back To Top