Mga Estudyanteng CamNortenos, Nagningning sa International Math Olympiad

Isang malaking karangalan ang dinala ng mga estudyante mula sa Camarines Norte sa International Mathematical Olympiad (IMO)! Hindi lamang isa, kundi apat na estudyanteng CamNorteño ang nagkamit ng parangal sa prestihiyosong kompetisyon.

Mula sa Vinzons Pilot High School, sina Gabriel B. Asis at Eugene Kyle B. Eco ay nag-uwi ng bronze medal sa kanilang paglahok sa IMO sa Chiang Mai, Thailand, na natapos noong Pebrero 22, 2025. Labing siyam na bansa ang lumahok, kabilang ang Australia, Brazil, Canada, Hong Kong, Saudi Arabia, at lahat ng miyembro ng ASEAN. Ang kanilang tagumpay ay bunga hindi lamang ng kanilang husay, kundi pati na rin ng dedikasyon ng kanilang mga guro at ang suporta ng kanilang komunidad. Si G. Jason Bargo ang kanilang coach, habang sina Gng. Teresita Orendian (Principal) at G. Darcy Guy Mañebo (Education Program Supervisor para sa Mathematics) ay personal na naggabay sa kanila.

Ngunit hindi lang ang dalawang estudyante mula sa Vinzons Pilot High School ang nagbigay karangalan sa Camarines Norte. Sa Makati City, si Ramon Philip Glenn Napoles Go, isang Grade One student (6 years old) mula sa Makati Hope Christian School, ay nagkamit ng GOLD MEDAL sa Primary One Category! Hindi lang iyon, ginantimpalaan din siya ng EULER TROPHY para sa perfect score sa Number Theory at BOOLE TROPHY para sa perfect score sa Logical Thinking – isang napakabihirang tagumpay dahil sa kahirapan ng mga tanong sa kompetisyon. Samantala, ang kanyang kapatid na si Georgina Ysabelle Napoles Go (Grade Three, 8 years old) ay nagkamit din ng BRONZE MEDAL sa Primary Three Category.

Ang kanilang tagumpay ay hindi lamang isang personal na achievement, kundi isang inspirasyon sa lahat ng kabataan na magpursige sa pag-aaral, lalo na sa larangan ng STEM. Ito ay isang panawagan para sa mas malaking pamumuhunan sa edukasyon at patuloy na suporta sa mga batang may talento. Ang kinabukasan ng Pilipinas ay nakasalalay sa mga batang may ganyang husay at dedikasyon.

Back To Top