Daet, Camarines Norte – Apat na indibidwal na kabilang sa high-value targets sa ilegal na droga ang naaresto sa isang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Daet Municipal Police Station, Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office V (PDEA ROV), at PDEG-SOU 5.
Nangyari ang operasyon nitong Pebrero 11, 2025, ganap na 5:18 ng hapon sa Purok 9, Barangay IV (Mantagbac), Daet, Camarines Norte.
Kinilala ang mga naarestong indibidwal na sina:
-Alyas “Laila”, 69 taong gulang, pangunahing target ng operasyon at umano’y tagapangalaga ng drug den;
-Alyas “Pido”, 19 taong gulang, naaktuhang nasa loob ng drug den;
-Alyas “Kiko”, 24 taong gulang, isa pang bisita ng nasabing drug den; at
-Alyas “Lodi”, 21 taong gulang, itinuturing ding pangunahing target at kasamang tagapangalaga ng drug den.
Lahat ng suspek ay pawang mga walang asawa, walang trabaho, at residente ng Purok 9, Brgy. IV, Daet, Camarines Norte.
Ayon sa ulat ng Daet PNP, isang undercover agent ang matagumpay na nakabili ng hinihinalang shabu mula sa isa sa mga target na suspek. Agad itong nagresulta sa kanilang pagkakaaresto at sa pagbuwag ng drug den.
Nakumpiska sa operasyon ang hindi pa matukoy na dami at halaga ng iligal na droga. Isinagawa ang imbentaryo at pagmamarka ng mga ebidensya sa harap ng mga opisyal ng barangay at isang kinatawan ng media upang matiyak ang transparency ng operasyon.
Matapos arestuhin, kaagad ipinaalam sa mga suspek ang kanilang mga karapatan bilang akusado. Sumailalim sila sa medikal na pagsusuri sa Camarines Norte Provincial Hospital at kasalukuyang nasa kustodiya ng Daet MPS para sa karagdagang imbestigasyon at dokumentasyon.
Samantala, inihahanda na ng PDEA Camarines Norte ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 13, at 14, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa mga naarestong suspek.
Details and Photo courtesy of CNPPO