PAHAYAG-SUPORTA NI LUKE ESPIRITU SA THE SPARK STUDENT PUBLICATION NG CSPC

Nagpapasalamat ako sa mga estudyante ng Camarines Sur Polytechnic College (CSPC) sa bayan ng Nabua sa inyong matinong pagpili ng mga susunod na senador sa inyong nagdaang mock election. Ikinalulugod kong mapabilang sa “winning circle” sa inyong pamantasan sa pampitong pwesto. Tanda ito ng consistency ng kabataang Bikolano sa pagkontra sa mga trapo, kung kaya’t noong 2022 elections, isa ang Camarines Sur sa mga probinsyang hindi nanaig ang pwersa ng Kadiliman at Kasamaan.

Subalit ikinagagalit ko ang nabalitaan kong pambu-bully ni Camarines Sur Congressman Lray Villafuerte sa The Spark student publication. Sa kanyang Facebook post noong Sabado, kanyang pinaratangan at tinakot ng associate editor ng pahayagan bilang “pinklawan,” nilait bilang “unggoy” ang isang kawani ng media sa probinsya, at pinangalangang “Bongga” (na may homophobic slur) ang magiging katunggali niya sa pagka-gubernador ng probinsya sa Mayo 2025.

Dahil sa ganitong kabastusan ni Villafuerte, napilitan ng school admin ng CSPC na mag-“hands off” sa pagprotekta sa student publication. Sa isang pahayag sa Facebook, sinabi ng CSPC admin na hindi raw sinasalamin ng The Spark mock election ang opinion ng mga estudyante ng pamantasan. Sa halip na proteksyonan ang kanilang mga estudyante mula sa mga mapaniil na elemento ng lipunan gaya ng mga political dynasty, pinili ng CSPC admin na magpaka-Pontio Pilato.

May nabalitaan din kami na may mga pulis nang nagmamasid sa CSPC campus para hanapin ang mga staff at editor ng The Spark. May mga radio show din sa probinsya na pina-parrot ang linya ni Lray at binu-bully/binabastos ang student publication. Martial Law na ba sa CamSur na konting pa-mock election lang ng mga kabataan ay tatakutin na ng mga Villafuerte?

Hindi lang ito ang pagkakalat ng lagim ni LRay Villafuerte sa CamSur ngayong 2025. Noong Enero, sa isang talumpati, inihalintulad ni Lray ang mga kababaihan sa pagkaing chicharon na “masarap” daw “kainin,” bukod pa sa maraming “pick-up lines” na sexist at bastos sa mga babae.

Dahil sa kanyang pambubusabos sa campus press freedom at mga kababaihan, Lray Villafuerte: chicharon ka ba? Kasi ang baboy mo!

Nakikiisa ako sa laban ng The Spark student publication para sa press freedom. Isa sa mga isusulong natin sa Senado ang pagpapalakas ng Campus Journalism Act sa pamamagitan ng pagpataw ng parusang kulong o multa (“penal provision”) sa mga lumalabag sa campus press freedom–mapa-school admin, politiko, kapulisan/military, mga organisasyon o personalidad na kanan gaya ng NTF-ELCAC, atbp.

Isasabatas din natin ang isang Students Rights and Welfare (STRAW) law para proteksyonan ang academic freedom ng mga estudyante at maseguro ang kanilang representasyon sa mga policy-making bodies ng mga eskwelahan–mapa-publiko o pribado.

Higit sa lahat, magpapasa tayo ng Anti-Dynasty law para tuluyan nang magwakas ang paghahari ng mga dinastiya gaya ng mga Villafuerte.

Uphold campus press freedom!

End political dynasties!

source: Luke Espiritu FB Page

Back To Top